Home HOME BANNER STORY Testimonya ni Madriaga puwedeng batayan sa bagong impeachment vs VP Sara

Testimonya ni Madriaga puwedeng batayan sa bagong impeachment vs VP Sara

229
0

MANILA, Philippines – Maaaring magsilbing batayan ng bagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang testimonya ni Ramil Madriaga, na sinasabing dating civil intelligence agent ng bise presidente at ng kanyang ama.

Ayon sa ulat, hinihintay na lamang ng ilang mambabatas ang Pebrero 6 bago magpasya kung magre-refile o maghahain ng bagong impeachment complaint laban sa bise presidente.

Sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na may mga grupo at indibidwal na naghihintay pa ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng apela ng mga nagreklamo, na humihiling na baligtarin ang naunang ruling na nagdeklara na unconstitutional ang orihinal na articles of impeachment laban kay Duterte.

“Kung sakaling mag-reconsider ang Supreme Court sa decision niya, ibig sabihin nito magpapatuloy na yung trial sa Senado, hindi na kailangan mag-refile,” ani Tinio.

“Pero kung sakaling hindi pa lumabas ang desisyon by February, then maguusap ang mga complainants at malamang mag-decide na mag-refile,” dagdag niya.

Ayon kay Tinio, mananatiling pangunahing isyu sa posibleng bagong reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds.

Isinasaalang-alang din ng mga nagrereklamo ang testimonya ni Madriaga, na naglalaman ng alegasyon na drug dealers at Philippine offshore gaming operators (POGOs) ang umano’y nagpondo sa kampanya ni Duterte noong 2022.

“May mga binanggit doon na maaring kaugnay sa paggamit sa confidential and intelligence funds,” ani Tinio.

Noong 2025, 215 kongresista ang lumagda sa articles of impeachment laban kay Duterte, ngunit hindi ito umusad matapos magpasya ang Korte Suprema na nilabag ng sunod-sunod na reklamo ang one-year ban sa impeachment.

Kumpiyansa si Tinio na makakakuha muli ng sapat na suporta kung maghahain ng bagong reklamo.

“Tingin ko makakakuha pa rin ito ng one-third support, dapat lang. Dahil nanatiling valid, legitimate, at nangangailangan ng pananagutan yung tanong ng kababayan natin: Anong nangyari doon sa confidential funds?” aniya.

Dagdag pa niya: “Pero kung hindi na makuha ang one-third, ano ba, nagbago na ba ang ihip ng hangin?” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here