BULACAN, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang 30 anyos na lalaking bumaril at nakapatay sa isang 40 anyos na lalaki na kilalang hurado sa mga motorshow sa bayan ng Plaridel, madaling araw ng Enero 3.
Sa report ng pulisya, naganap ang pamamaril bandang 1:00 ng madaling araw sa harap ng isang gasolinahan sa Cagayan Valley Road, Brgy. Tabang, Plaridel.
Ayon sa report, nai-report sa istasyon bandang 2:00 ng madaling araw ang nasabing insidente ng pamamaril.
Nabatid na isang 24 anyos na delivery rider ang nakilalang saksi at natukoy ang 30 anyos na lalaking suspek na pawang residente ng Brgy. San Pablo, Malolos.
Dahil dito, agad nagsagawa ng follow-up operation ang Plaridel police station, katuwang ang Provincial Intelligence at ang Cabanatuan police station na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong 5:30 ng hapon sa hotel sa Maharlika Highway, Brgy. ACCFA, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Nasamsam mula sa suspek ang Norinco caliber .45 pistol na may magazine na may pitong bala at Mitsubishi L300 FB na gamit umanong getaway vehicle.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek habang nasa kustodiya ng nasabing istasyon.
Sinusulat ito, bumuhos sa social media ang pakikiramay ng mga kaibigan, kakilala at netizen sa biktima ng pamamaril na si alyas “Jepoy” na kilala umanong mabait at mahusay na hurado sa larangan ng motor show. (Dick Mirasol III)