MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Linggo laban sa mga AI-generated video na maling nangangako ng P3,000 cash assistance para umano sa mga estudyante sa ikatlong quarter ng school year.
Sa Facebook post na may pamagat na “Iwas-Scam Paalala para sa mga Estudyante at Pamilya,” sinabi ng DSWD na sinasabi sa naturang video na may P3,000 ayuda para sa mga estudyanteng magrerehistro.
Ngunit sa halip, idinidirekta lamang ang mga manonood sa isang affiliate marketing link.
“Makikita ito sa mga Facebook page na kilala sa pagpapakalat ng mga nakaka-engganyo ngunit hindi beripikadong pahayag para sa mabilis na atensyon, at hindi ito mula sa opisyal na abiso ng ahensya,” ayon sa DSWD.
Kalakip ng post ang screenshot ng AI-generated video na nagsasabing maaaring makinabang ang mga mag-aaral mula elementarya hanggang junior high school sa tinawag na “third grading cash assistance.”
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na maging mapanuri sa mga post sa social media na nangangako ng tulong pinansyal.
“Dapat tayong maging mapanuri sa lahat ng oras. I-check lagi kung ang content ay mula sa credible at official sources,” dagdag ng DSWD.
“Sama-sama nating labanan ang mga maling impormasyon dahil sa DSWD, Bawal ang Fake News!” giit pa ng ahensya.
Hinimok din ng DSWD ang publiko na beripikahin ang mga ganitong pahayag sa kanilang opisyal na website at verified social media accounts. RNT/MND