Home HOME BANNER STORY 2026 nat’l budget, nakatakdang lagdaan ni PBBM, ngayong umaga

2026 nat’l budget, nakatakdang lagdaan ni PBBM, ngayong umaga

354
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang pirmahan ngayong alas-10 ng umaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pambansang budget ngayong taon na aabot sa 6.7 trillion pesos.

Inaasahan namang sasaksihan nina Senate President Vicente Sotto lll, House Speaker Bodji Dy at ilang mga Senador at Kongresista ang gagawing paglagda ng General Appropriations Act for fiscal year 2026 sa Ceremonial hall sa Malacanang.

Sinasabing December 29, 2025 nang naratipikahan ng Senado at ng Kongreso ang panukalang budget ngayong taon at mula duon ay agad ng ipinadala sa Malakanyang.

Agad namang pinag- aralan ni Pangulong Marcos at ng kanyang team ang ratified proposed budget na kung saan, ilan sa naging sentro ng pagbusisi ay ang mga nabago sa alokasyon at probisyon ng orihinal na isinumiteng National Expenditure Program o NEP.

Nauna rito, tiniyak ni Executive Secretary Ralph Recto na hindi lamang naaayon ang 2026 GAA sa mga legal at technical requirements kundi higit sa lahat ay titiyakin nilang magagamit ang pambansang budget sa pangangailangan ng mga filipino.

Ang FY 2026 General Appropriations Act (GAA), na nagkakahalaga ng PHP6.793 trillion, ay malinaw na nagpapakita ng layunin ng administrasyong Marcos Jr. na ilagay ang kapakanan ng mga Pilipino sa sentro ng pag-unlad ng bansa. Prayoridad dito ang mga sektor na mahalaga para sa pantay at inklusibong kaunlaran. Ibig sabihin, mas tutok ang budget sa tao, sa human capital, at sa pangangailangan ng susunod na henerasyon.

Pinuri ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Rolando U. Toledo ang Pangulo sa kanyang matatag na pamumuno at sa patuloy na pagtupad sa pangakong palawakin ang mga oportunidad para sa mga Pilipino.

“Maraming maraming salamat sa ating Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang walang-patid na suporta at pagsigurong prayoridad ng pambansang pondo ang ating mamamayan. With the signing of the 2026 GAA into law, we are guaranteeing investments that will turn into tangible results and ultimately uplift the lives of our people. Sa atin pong mga kababayan, budget natin ito. You can be assured that the Filipino people are at the core of this budget,” saad ni Secretary Toledo.

Edukasyon bilang pangunahing prayoridad

Sa 2026, ang Education sector ang may pinakamalaking bahagi ng national budget na aabot sa PHP1.345 trillion. Katumbas ito ng 4.36 percent ng GDP ng bansa at sapat para maabot ng Pilipinas ang benchmark sa ilalim ng UNESCO Education 2030 Framework.

Kasama rin sa budget ang pondo para sa paglikha ng 32,916 teaching at 32,268 non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan, pati na rin ang pagpapagawa ng 24,964 classrooms sa buong bansa.

Kalusugan

Bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na matiyak ang universal health care para sa bawat Pilipino, makakatanggap ang health sector ng pinakamalaking budget nito sa kasaysayan na PHP448.125 billion.

Magagamit ito para palakasin ang Universal Health Care Fund ng Department of Health (DOH), lalo na para sa Zero Balance Billing (ZBB), maagap na pagtugon sa communicable at non-communicable diseases, disease surveillance, mabilis na response mechanisms, sustainable health financing, at pagkuha ng karagdagang doctors at nurses sa buong bansa.

Inaasahan ding lalo nitong mapapalakas ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Agrikultura

May kabuuang PHP297.102 billion na ilalaan para sa Agriculture sector upang matiyak ang food security, gawing mas moderno ang supply systems, at palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda.

Kasama rin dito ang mga investment sa Farm-to-Market Roads para mas gumanda ang kabuhayan ng mga magsasaka, bumaba ang gastos sa produksyon, at mapalakas ang ekonomiya sa mga rural na lugar.

Social Services

Upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino, mabawasan ang kahinaan ng iba’t ibang sektor, at maprotektahan ang kanilang kapakanan, maglalaan ang pamahalaan ng PHP270.189 billion para sa social services sector sa 2026.

Local Governance

May malaking dagdag din sa pondo para sa Local Government Units (LGUs) sa 2026 national budget upang mas matugunan ang mga pangangailangan sa lokal na antas at mapabuti ang buhay sa bawat komunidad.

Palalakasin ang Local Government Support Fund (LGSF) para sa pagpapatuloy ng mga programang naglalayong bumuo ng ligtas at matatag na mga komunidad. Bukod dito, may PHP15.33 billion ding inilaan para sa Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF).

Military and Uniformed Personnel

Patuloy ring bibigyang-halaga ng 2026 national budget ang kapakanan ng military at uniformed personnel (MUP). Sa bisa ng Executive Order No. 107, s. 2025, tataas ang base pay at subsistence allowance ng MUP simula 2026.

Direct Veto

Samantala, may ilang items sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations na tinanggal sa 2026 national budget matapos gamitin ng Pangulo ang kanyang veto powers. Bahagi ito ng paninindigan ng administrasyon sa fiscal responsibility at accountability.

“The Executive received the enrolled bill on December 29, 2025 and conducted a thorough and careful review of the proposed budget to ensure consistency with the administration’s priorities and taking into consideration valuable recommendations from stakeholders,” ani DBM Secretary Toledo.

Malinis, disiplinado, at budget na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino

Ipinapakita rin ng pagpasa ng 2026 national budget ang pagsulong ng transparency sa proseso ng budgeting. Sa kauna-unahang pagkakataon, na-livestream ang mga proceedings ng Bicameral Conference Committee upang mapataas ang tiwala ng publiko at mapalakas ang pananagutan sa paggastos ng pondo ng bayan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here