MANILA, Philippines — Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng nasa 18,212 pulis at iba pang law enforcers upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa Pista ng Jesus Nazareno sa Enero 9.
Mas mataas ito kumpara sa naunang planong 15,000 pulis na unang inihayag ng PNP bilang paghahanda sa milyon-milyong debotong inaasahang dadalo sa Traslacion at iba pang aktibidad.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ng PNP na iba’t ibang tanggapan ng ahensiya ang magpapakalat ng kani-kanilang tauhan upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin, ganap nang ide-deploy ang mga pulis sa Enero 7 sa isasagawang Pabihis sa Poong Jesus Nazareno.
Samantala, sinabi ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang intelligence monitoring ng kapulisan at sa ngayon ay wala pa silang namomonitor na anumang banta kaugnay ng okasyon.
Inihayag din ni Aberin na humiling na ang NCRPO sa pamahalaang lungsod ng Maynila ng pagpapatupad ng liquor ban, gayundin ng gun ban mula Enero 8 hanggang 10 upang mapanatili ang seguridad sa mga aktibidad ng kapistahan.
Humiling din umano ang NCRPO sa National Telecommunications Commission (NTC) ng signal jamming sa mga lugar na daraanan ng Traslacion o ang prusisyon ng imahen ng Poong Jesus Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church.
Ayon naman kay Manila Police District (MPD) Director Brig. Gen. Arnold Abad, katuwang ng pulisya ang mga volunteer groups, partikular ang Hijos del Nazareno, sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad.
Target din ng PNP na mapaiksi ang oras ng Traslacion upang maiwasan ang pagsisikip at matiyak ang kaligtasan ng mga deboto. RNT/JGC