MANILA, Philippines – Arestado ang limang suspek sa umano’y pagnanakaw ng nasa P1.5 milyong halaga ng sapatos na idedeliver sana sa pamamagitan ng isang app.
Sa kabila nito, sinabi ng mga suspek na dinala lamang nila ang mga kahon ng mga sapatos.
Ayon sa pulisya, nag-book ang isang seller sa Manila ng truck sa pamamagitan ng delivery app para ibyahe ang nasa 60 kahon ng sapatos patungong Pasay City.
“Later on nagulat siya nang naka-receive siya ng cancellation details. Pero na-receive niya (driver) ‘yung mga parcel. Nakuha na ‘yung 60 boxes ng sapatos bago siya (seller) maka-receive ng cancellation details,” pahayag ni Palanca Police Community Precinct – Manila commander Police Lieutenant Carl Mupas.
Naiba rin ang drop-off point sa app na mula Pasay City ay naging Las PiƱas City.
Dito na nagcheck ang seller sa kanilang logbook sa warehouse upang makakuha ng detalye ng drayber na nagpick-up ng mga produkto.
Sa pamamagitan nito ay na-track ng pulisya ang drayber na nakipagtulungan naman.
“Nag-cooperate naman siya kasi kahit siya mismo, nagtataka kasi medyo alanganin ‘yung lugar na pagbababaan niya.”
Sinabi ng drayber sa mga awtoridad na “in good faith” itong nagbaba ng mga produkto.
Nagtungo ang mga awtoridad sa lugar nang pinagbabaan ngunit ang narekober na lamang ay nasa P200,000 halaga ng sapatos.
Posible aniyang naibenta na ang ibang item matapos ang pagpick-up ng isang van.
Naaresto ng mga awtoridad ang limang indibidwal kabilang ang kapatid ng umano’y hacker.
“Under investigation pa rin kung paano nangyari ‘yung gano’n na biglang nagbago ang rider at ‘yung drop-off location. Patuloy pa rin nating hinahanap ‘yung pinaka mastermind, ‘yung hacker, na sinasabing kapatid ng isa sa mga nahuli natin,” sinabi ni Mupas.
Samantala, sinabi ng mga suspek na hindi nila alam kung saan nanggaling ang mga produkto at dinala lamang nila ang mga item.
Ang isa naman sa mga suspek ay nagsabing wala siya sa lugar at wala siyang dinalang anumang kahon, habang ang isa naman ay nagsabing inakala niyang bayad na ang mga produkto.
Sasampahan ng estafa ang mga suspek na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act. RNT/JGC