MANILA, Philippines – Inalis na ng Land Transportation Office (LTO) ang registration fee para sa mga custom-made motorcycle top box at saddle bag upang mabawasan ang gastos ng mga rider na umaasa sa motorsiklo para sa kanilang kabuhayan.
Ayon sa LTO, ipinatupad ang hakbang kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na bawasan ang pasaning pinansyal ng mga motorcycle rider, lalo na ang mga delivery driver at iba pang manggagawang gumagamit ng motorsiklo sa trabaho.
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na itinigil na ng ahensya ang paniningil ng ₱100 registration fee para sa bawat top box o saddle bag.
“This is a big help to riders who depend on their motorcycles for their livelihood, as it removes an added expense,” ayon kay Lacanilao.
Bahagi umano ang polisiya ng 7-point reform agenda ng LTO na layong alisin ang hindi kailangang bayarin habang pinananatili ang mga pamantayan sa kaligtasan sa kalsada.
Bagama’t tinanggal ang bayad, iginiit ng LTO na nananatiling mandatory ang rehistrasyon ng lahat ng custom-made motorcycle accessories upang masuri ang roadworthiness, kaligtasan, at pagsunod sa mga pamantayan ng ahensya.
Sa halip na official receipt, certification na ang ibibigay ng LTO bilang patunay ng rehistrasyon.
Hinikayat din ni Lacanilao ang mga regional director at law enforcement officer na agarang ipatupad ang bagong polisiya. RNT/MND