UNITED STATES – Iginiit ni US President Donald Trump na ang Estados Unidos ay “in charge” na sa Venezuela, kasabay ng pagharap ng napatalsik na lider na si Nicolas Maduro sa korte sa New York nitong Lunes.
Si Maduro, 63, ay nahaharap sa kasong narcotrafficking kasama ang kanyang asawa, matapos silang arestuhin sa isang biglaang opensibang militar ng US noong Sabado na kinabibilangan ng commandos, pagbomba ng jet planes, at malawakang presensya ng hukbong-dagat sa baybayin ng Venezuela.
Magdaraos ng emergency session ang United Nations Security Council sa kahilingan ng Venezuela upang talakayin ang sitwasyon at ang intensyon ng US.
Gayunman, sinabi ni Trump, “We’re in charge,” noong Linggo ng gabi.
Sa isang posibleng tagumpay para sa Washington, nag-alok ng pakikipagtulungan ang interim leader at kahalili ni Maduro na si Delcy Rodriguez.
“We extend an invitation to the US government to work together on an agenda for cooperation,” ayon kay Rodriguez.
Ito ay matapos siyang bantaang magbabayad ng “very big price, probably bigger than Maduro,” kung hindi siya susunod sa kagustuhan ng US.
Sinabi ni Trump na kailangan ng US ang “total access” sa Venezuela.
“We need total access. We need access to the oil and other things in their country that allow us to rebuild their country,” aniya.
Bagama’t wala nang naiulat na puwersa ng US sa loob ng Venezuela, nananatili ang malakas na presensya ng hukbong-dagat, kabilang ang isang aircraft carrier.
Ayon sa administrasyon ni Trump, ginagamit din ng US ang economic pressure sa pamamagitan ng pagharang sa mga oil tanker ng Venezuela at posibleng karagdagang opensibang militar.
Nilinaw naman ng White House na hindi umano layon ng US ang regime change kundi ang pagpapatalsik lamang kay Maduro at pagkakaroon ng mas masunuring pamahalaan.
Sinabi ni Secretary of State Marco Rubio na, “we’re going to make an assessment on the basis of what they do.”
Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang bansa tulad ng China, Russia, at Iran, habang sinabi ng China na ang operasyon ng US ay isang “clear violation of international law.”
Tinawag naman ito ng Colombian President Gustavo Petro na “assault on the sovereignty” ng Latin America.
Samantala, sinabi ng lider-oposisyon na si Edmundo Gonzalez Urrutia na mahalaga ang interbensyon ng US ngunit “not enough” kung walang pagpapalaya sa mga political prisoners at pagkilala sa umano’y panalo niya sa 2024 election. RNT/MND