MANILA, Philippines – Nahaharap sa bagong ‘plunder’ complaint sa Department of Justice (DOJ) si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kaugnay sa flood control project ng gobyerno.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Zaldy Co ng reklamong plunder mula sa pitong panibagong reklamo na inihain ng kagawaran.
Pero nilinaw ni Atty.Martinez na hiwalay pa ito sa naunang limang kaso na may kinalaman pa rin sa maanomalyang flood control projects.
Ang anim umanong panibagong kaso na may kaugnayan sa flood control ay mga proyektong iniulat na kumpleto na ngunit wala namang makitang natapos o ‘non-existent’ sa Bulacan.
Ibig sabihin, may limang kaso ang natapos na noong nakaraan taon ng Disyembre habang ang anim namang nababanggit ay panibagong nadagdag na natanggap ng kagawaran.
Habang nadagdag naman ang isa pang reklamog plunder na inihain ng NBI.
Paliwanag ng tagapagsalita, hindi pare-pareho ang ‘timeline’ sa pagsasagawa ng ‘preliminary investigations’ ng mga reklamong inihain ng kawanihan sa DOJ.
Aniya, ang iba ay nasa ‘reception of the complaint and evidence stage’ pa lamang at ang iba nama’y nasa paghahain na ng ‘counter affidavits’ ng mga respondents.
Kabilang sa mga ‘respondents’ ng magkahiwalay na reklamo sa DOJ ay sina former Sen. Bong Revilla at Sen. Joel Villanueva.
Kanilang kinakaharap ang reklamong Direct Bribery, Corruption of Public Officials, at Malversation through Falsification ng paglabag sa Republic Act 9184 at 3019.
Ang dating mambabatas naman na si Zaldy Co ay mayroong pagkakataon para magsumite ng kontra salaysay hanggang ika-15 ng Enero sa kasalukuyang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden