Home OPINION E-TRIKE BAN: KALIGTASAN BA O NEGOSYO?

E-TRIKE BAN: KALIGTASAN BA O NEGOSYO?

273
0

SA tuwing may bagong patakaran ang pamahalaan na tumatama sa sektor ng transportasyon, laging nauuna ang katwiran ng “kaligtasan.” Iyan ang iginiit ng Land Transportation Office sa istriktong panghuhuli at pag-impound ng mga e-trike at e-bike sa mga piling lansangan.

Ayon sa ahensya, hindi raw ito para sa negosyo o pagkakakitaan kundi para sa road safety, dahil sa umano’y malaking agwat ng bilis ng mga e-trike at mga four-wheel vehicles, gayundin sa kawalan ng lisensya at rehistro ng maraming nagmamaneho nito.

Ngunit bilang isang abogado at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga commuter, hindi maaaring hanggang doon na lamang ang usapan. May malalalim na usaping ligal, ekonomiko, at panlipunan na tila isinasantabi. Maraming Pilipino ang umaasa sa e-trikes at e-bikes dahil ito ang mas mura, mas praktikal, at minsan ay tanging paraan upang makarating sa trabaho, paaralan, o ospital sa gitna ng bulok na sistema ng pampublikong transportasyon.

Hindi rin malinaw kung paano umaayon ang ganitong uri ng pagbabawal sa Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA Law. Ang diwa ng batas ay malinaw: regulation, hindi prohibition. Layunin nitong isulong ang ligtas at maayos na paggamit ng electric vehicles, hindi ang tuluyang itaboy ang mga ito sa lansangan nang walang malinaw na alternatibo.

Maging ang grupong “Make It Safer Movement” ay nagsabing hindi nila nakikitang nakababawas sa aksidente o trapiko ang ganitong uri ng pagbabawal. Makatwiran bang tanungin kung talagang kaligtasan lang ba ang dahilan, o may mas malalim pang interes na pinangangalagaan?

Nakalulungkot isipin na kapag ang masa ang gumagamit ng isang uri ng transportasyon at kapag ito’y may direktang pakinabang sa kanilang kabuhayan tsaka ito nagiging problema. Sa halip na ayusin, i-regulate, at gawing ligtas, ang unang tugon ay pagbabawal, multa, at hulihan.

Hindi ito bago. Noon, bawal ang motorcycle taxi. Tinawag na delikado at iligal. Ngunit nang ipaglaban ng sektor, na-regulate at ngayon ay bahagi na ng transport ecosystem. Ganoon din ang sinapit ng ride-hailing apps na dating itinuturing na colorum, ngunit ngayo’y kinikilala at nire-regulate na.

Ang usapin ng e-trikes at e-bikes ay hindi lang usapin ng safety. Ito ay usapin ng kabuhayan, akses, at katarungan. Hindi pwedeng puro bawal. Ang kailangan ay malinaw, makatarungan, at makataong regulasyon. Sapagkat sa huli, buhay ng masang Pilipino ang nakataya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here