LAS PINAS, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Las Piñas City police ang tinaguriang top 10 most wanted person (MWP) sa buong National Capital Region (NCR) Lunes ng hapon, Enero 5.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay DC Tafalla ang inarestong suspek na si alyas Leonard, 45, walang trabaho at residente ng Brgy. Zapote, Las Piñas City.
Base sa report na isinumite ni Tafalla kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pagdakip kay alyas Leonard ng pinagsanib na pwersa ng WSS at ng Sation Intelligence Section (SIS) bandang alas 3:00 ng hapon sa Brgy. Zapote, Las Piñas City.
Naisakatuparan ang pag-aresto kay alyas Leonard sa bisa ng isinilbing warrant of arrest Leonard dahil sa kanyang kinahaharap na kasong attempted murder na nakapailalim sa Criminal Case No. 24-0801 na inisyu ni Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) Judge Phoeve C. Meer ng Branch 275 na mayroong kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng ₱120,000.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police ang suspek habang naghihintay ng commitment order na manggagaling sa korte.
Sinabi naman ni Arceo na pananatilihin ng SPD ang pagpapatupad ng peace and order partikular na dito ang pagtugis sa high-priority na mga kriminal.
“The arrest of a Top 10 NCRPO Most Wanted Person highlights our unwavering dedication to law enforcement and public safety. This operation demonstrates that no fugitive can evade justice,” ani pa Arceo. (James I. Catapusan)