PASAY CITY, Philipines – Binigyang linaw ng Pasay City police ang di-umanoý pambubugbog sa isang lola na natagpuang nakaupo sa hagdan ng isang mall sa lungsod nitong mga nakaraang araw.
Sa pahayag ng Pasay City police, sinabi ni police chief P/Col. Joselito De Sesto na ang kanilang paglilinaw ay bunsod sa nag-viral na post sa Facebook page ng isang Neal Valle kung saan nakita niyang nakaupo sa hagdan sa bisinidad ng Metropoint Mall, Taft Avenue, ang isang 75-taong-gulang na babaeng nagngangalang Marie Fernandez ng Sitio Imelda, Upper Bicutan, Taguig City.
Base sa direktiba ni De Sesto, agad niyang pinaimbestigahan ang naturang pangyayari sa Sub-Station 3 na siya namang nakipagkoordinasyon sa Sub-Station 4 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng beripikasyon, backtracking at forward tracking ng CCTV sa lugar gayundin ang pakikipag-ugnayan sa security management of Metropoint Mall.
Sinabi ni De Sesto na ayon sa pakikipagpanayam ng mga imbestigador sa mga saksi, mall vendors pati na rin sa mga security personnel ng naturang establisimiyento ay kinumpirma ng mga ito na walang nangyaring insidente ng pambubugbog sa bisinidad ng nabanggit na mall.
Ayon kay De Sesto, sa CCTV footage na kanilang nakalap ay makikita ang naturang lola na dumating saa lugar na mayroon nang benda ang kanyang ulo na nagpapatunay lamang na napagkalooban na ito ng kinakailangang medikal na atensyon.
Sa patuloy na kanilang pagbeberipika ay sinabi ni De Sesto na makikita rin sa CCTV footage na naglalakad ang matanda mula sa lugar ng Kabayan Hotel patungong Metropoint Mall kung saan umupo ito sa hagdan ng mall na wala man lang lumapit na indibidwal na nagtangkang manakit sa kanya.
Nagkaroon naman ng pagkakataon ang pulisya na makontak ang kamag-anakan ng matandang babae kung saan kinumpirma ng kanyang anak na si Emmanuel ang pagkakasangkot ng kanyang ina sa isang aksidente ng sasakyan sa Quezon City bago pa man naiulat ang di-umanoý pambubugbog dito.
Agad namang naiuwi ni Emmanuel ang kanyang ina na muling nakapiling ang ibang miyembro ng kanyang pamilya.
Nanawagan naman si De Sesto sa publiko na mag-ingat ng pagpo-post sa social media ng mga hindi beripikadong impormasyon sa kadahilalang nakakapagdulot ito ng masamang epekto sa mga taong nasasangkot dito dahil sa pangyayaring hindi naman ganap na totoo. (James I. Catapusan)