MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Martes na posible sanang alisin nang buo ang mga kontrobersyal na unprogrammed appropriations (UA) sa 2026 national budget kung ito ay isinagawa sa simula pa lang sa paggawa ng National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, mahirap tanggalin ang UA sa huling bahagi ng budget process dahil maaapektuhan nito ang iba pang proyekto.
“Actually, puwede siya technically… Pero sa laki ng halaga, kailangan ‘yan planuhin nang mabuti sa umpisa pa lang, sa National Expenditure Program. Hindi puwedeng tanggalin ‘yan sa dulo,” aniya.
Idinagdag ng senador na ang orihinal na UA ay P247 bilyon, at kung ilalagay ito sa programmed appropriations, maraming proyekto ang maaapektuhan at magkakaroon ng problema sa implementasyon.
Noong Lunes, sa ceremonial signing ng P6.793-trillion national budget para sa 2026, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang veto sa halos P92.5 bilyong UA, na ibinaba ang unprogrammed funds sa pinakamababang lebel mula 2019 upang matiyak na malinaw ang paggamit ng pondo para sa pambansang interes.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, tatlong items na lamang sa UA ang nanatili sa 2026 GAA: support sa foreign-assisted projects na nagkakahalaga ng P97.305 bilyon; revised AFP Modernization Program na P50 bilyon; at Risk Management Program na P3.6 bilyon. RNT/MND