Home NATIONWIDE Hiling ng kampo ni Duterte sa pagkuha ng medical expert, binasura ng...

Hiling ng kampo ni Duterte sa pagkuha ng medical expert, binasura ng ICC

278
0

THE HAGUE, Netherlands – Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makakuha ng private communications sa pagitan ng Registry ng korte at ng mga independent medical experts na nag-evaluate sa kanyang kakayahang harapin ang paglilitis.

Sa isang 5-pahinang desisyon na may petsang Disyembre 23, 2025, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber I na hindi napatunayan ng depensa ang pangangailangang “urgent” para sa naturang disclosure.

Humiling ang depensa na ipasa ng Registry ang lahat ng emails, liham, at tala ng telepono sa panel ng medical experts upang masuri kung paano naiparating ang instructions ng korte at kung anong dokumento, kabilang ang medical records ni Duterte, ang ibinigay sa mga eksperto.

Ngunit sinabi ng Chamber, na pinamumunuan ni Judge Iulia Motoc, na ang Registry ay isang “neutral organ” na naglilingkod lamang bilang tagapamagitan sa mga eksperto.

“The Chamber considers that, without further substantiation from the Defence, the disclosure of ‘all communications between the Registry and the three experts’ is not warranted,” ayon sa desisyon.

Idinagdag ng korte na kumpleto na ang impormasyong kailangan ng depensa upang ihanda ang kanilang obserbasyon, at naipadala na sa kanila ang lahat ng authorized documents noong Setyembre 24, 2025.

Ang mga joint at individual reports ng eksperto, na naipadala noong Disyembre 5, 2025, ay naglalaman na ng reference sa mga materyales at instructions na ginamit sa kanilang pagsusuri.

Noong Agosto 2025, inutusan ng korte ang medical examination matapos humiling ang depensa ng “indefinite adjournment” ng proceedings.

Ayon sa Office of the Prosecutor, sinasabing nagkukunwari si Duterte ng cognitive impairments upang iwasan ang paglilitis, ngunit itinanggi ng depensa ang mga findings, na tinawag nilang may internal contradictions.

Naaresto si Duterte noong Marso 2025 at kasalukuyang nakakulong sa ICC detention center sa The Hague upang harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng extra-judicial killings noong kanyang administrasyon sa drug war. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here