Home TOP STORIES Mga isyu sa Kongreso, ibinabala ni Tiangco sa madla

Mga isyu sa Kongreso, ibinabala ni Tiangco sa madla

226
0

Nagbabala si Navotas Representative Toby Tiangco sa publiko na huwag magambala sa kamakailang mga isyu sa Kongreso at tiyakin na sina Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez ang managot sa pagsira sa 2025 national budget.

“Tuwang-tuwa siguro sina Zaldy Co at Rep. Martin Romualdez kasi parang nalilihis na ang isyu at hindi na pinag-uusapan ang korapsyon bunsod ng 2025 national budget,” ani Tiangco.

Suportado ni Tiangco ang lahat ng panawagan para sa transparency, ngunit binigyang-diin ang pangangailangang ibalik ang pagtuon sa iskandalo sa flood control at sa mga kuwestiyonableng insertions sa 2025 budget.

“Yes to transparency pero sana huwag din nating kalimutan na panagutin ang mga sangkot sa isyu ng flood control at insertions sa 2025 national budget,” sabi niya.

Sinabi ni Tiangco na dapat simulan ng House of Representatives ang taon sa pamamagitan ng pagpapaskil sa opisyal nitong website ng badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bawat distrito ng Kongreso, gayundin ang mga proyektong inendorso ng mga kinatawan ng party-list para sa 2026 GAA, upang maiwasang maulit ang kontrobersiyal na 2025 General Appropriations Act (GAA).

“Magiging magandang simula sa bagong taon kung finally ay i-publish na ng Kongreso sa aming website ang mga proyekto at ang mga proponent nito para sa 2026 GAA. Kapag ginawa ito ng Kongreso, mawawala ang agam-agam ng mga tao dahil malinaw na makikita kung saan napunta ang badyet at kung sino ang nagpanukala nito,” giit ni Tiangco.

“Bukod dito, maibabalik ang focus natin sa pag-iimbestiga at pagfa-file ng kaso laban sa mga taong sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan,” dagdag niya.

Noong Nobyembre 21, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may inilabas na warrant of arrest laban kay Co at sa 17 iba pa, at ang Office of the Ombudsman ay pormal nang nagsampa ng mga kaso batay sa ebidensyang isinumite ng DPWH at ng Independent Commission for Infrastructure.

Humingi na rin aniya ang National Bureau of Investigation sa Interpol ng red notice upang tumulong sa pag-aresto kay Co. JOJO RABULAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here