MANILA, Philippines – Ilang mga bar examinees kasama ang kanilang mga tagasuporta ang unti-unti nang nagsisidatingan sa courtyard ng Korte Suprema para sa inaabangang paglabas ng listahan ng resulta ng mga pumasa sa bar exams ngayong hapon, Enero 7.
Ala-1:00 ng tanghali ay nakatakdang ianunsyo ang mga matagumpay na pumasa sa 2025 Bar examinations.
Sa inisyu na abiso ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, Chairperson ng 2025 Bar Examinations, may ilang guidelines na ipatutupad para sa mga mag-aabang ng resulta’t listahan.
Simula alas-10 ng umaga ay mananatiling bukas sa publiko ang gate ng Korte Suprema hanggang alas-6 ng gabi.
Hindi naman pahihintulutan na makapasok ang mga nakasuot ng sando, shorts, at sapin sa paa na kita ang daliri.
Gayundin ang ‘ripped’ o ‘above the knee’ at pang-itaas na kasuotan na ‘sleeveless’, ‘cropped’ at ‘see through’ ay bawal rin sa loob ng korte.
Mahigpit ding ipapatupad ang security inspection para sa mga pàpasok at hindi rin pinahihintulutan ang pagdadala ng baril, alak, at pampasabog.
Mayroon LED walls/screens na nakalagay sa courtyard ng Korte Suprema para ipakita ang listahan ng mga matagumpay na nakapasa sa bar exam ngunit hanggang alas-sais lamang ng gabi.
Payo naman sa lahat ng examinees at stakeholders na tanging sa Korte Suprema lamang tumutok para sa tamang impormasyon ukol sa resulta ng Bar Exam.
Bukod sa pag-flash ng resulta sa malalaking LED Screens, makikita at mapapanood rin ang ‘live broadcast’ sa opisyal nilang social media online. Jocelyn Tabangcura-Domenden