MANILA, Philippines – IN-adopt ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang proactive approach para tugunan ang alalahanin ng homeowners’ associations (HOAs) sa buong bansa.
Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, na ang hakbang na ito ay alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga ahensiya ng gobyerno na isulong ang people-centered programs.
Aniya, pinalalakas ng departamento ang pakikipag-ugnayan nito sa HOAs sa ilalim ng open-door policy na hangad na tulungan ang mga homeowners at kilalanin ang mga asosasyon bilang mga pangunahing mga kasosyo sa komunidad at nation-building.
“Dapat maging proactive tayo. Bumaba tayo sa mga komunidad upang tulungan ang mga HOAs bilang partners natin,” ayon kay Aliling.
“Malaki ang papel nila sa nation-building dahil sila ang nasa frontline sa ating mga komunidad ,” aniya pa rin.
Winika ni Aliling na ang HOAs ay dapat na well-informed ukol sa DHSUD policies at guidelines para ma-maximize ang kanilang potensiyal bilang government partners at maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan.
Aniya pa, maaaring hikayatin ang HOAs na gumawa ng mas maraming aktibong papel para paghusayin ang kanilang mga komunidad at maging mas produktibo.
Kaugnay nito, inatasan naman ni Aliling sina Undersecretary Roman Nicholo Molina at Homeowners Associations and Community Development Bureau Director Ling Rigor na repasuhin ang umiiral na polisiya na gumagabay sa HOAs at gumalugad ng ibang paraan para mas mapahusay pa sila at para mas matulungan ang asosasyon.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit sa 26,000 registered HOAs at neighborhood associations sa buong bansa.
Kabilang sa karaniwang alalahanin na sinabi ng HOAs ay ang mga usapin na may kaugnayan sa eleksyon at term of officers, at maging ang koleksyon ng association fees.
Tiniyak naman ni Molina ang pagtaas ng grassroots-level engagement sa pagitan ng DHSUD at HOAs upang mapanatili silang updated sa pinakabagong regulasyon at isama ang mga ito sa policy development.
Tinuran pa nito na ang pinaigting na impormasyon at education campaign ukol sa HOA-related matters ay “already underway.”
“Malaking bagay po na well-educated ang ating mga stakeholders lalo na ang mga HOAs upang maiwasan ang mga sigalot at problema. Dapat klaro para sa lahat ang ating mga polisiya,” ayon kay Molina.
Sa ulat, sinasabing itinataguyod ni Aliling ang isang open-door policy para mapanatili ang dayalogo kasama ang iba’t ibang housing stakeholders, kabilang na ang private developers, non-government organizations, urban poor groups, at national and local government officials, para paghusayin at ipagkasundo ang DHSUD programs at policies.
Iniulat ng DHSUD na welcome sa mga stakeholders ang hakbang at nakapagsumite na ng rekumendasyon, na sa ngayon ay masusing nirerepaso ng technical working groups para sa posibleng pagsama sa housing initiatives. Kris Jose