MANILA, Philippines – Sinabi ni Sen. JV Ejercito nitong Biyernes, Oktubre 30, na nagsasagawa ang Senado ng mga hakbang upang matiyak ang transparency at accountability sa panukalang 2027 national budget, kabilang ang pagbubukas sa mga civil society organization (CSO) at iba pang public observer ng mga pagdinig ng Bicameral Conference Committee o bicam.
Ayon kay Ejercito, chairman ng Senate Finance Committee, ipagpapatuloy ng komite ang mga hakbang nito para sa transparency, gaya ng livestreaming ng mga pagdinig sa budget, pagbibigay ng hiwalay na sesyon para sa mga CSO, at paglalagay ng mga independent monitoring tool sa budget transparency portal ng Senado.
Malugod niyang tinanggap ang mga rekomendasyon ng business groups, CSO at watchdogs na alisin ang mga budget insertion na walang teknikal na batayan at ibalik ang pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura na tinutustusan ng foreign assistance, paghahanda sa kalamidad at preventive healthcare.
“We are continuing to build on our best practices. This year, we will be inviting CSOs to sit in and observe the bicameral proceedings. Having more eyes on the budget will help us spot any unvetted projects or last-minute insertions that may be introduced during the bicam,” ani Ejercito.
Dagdag niya, livestreamed din ang bicam proceedings upang mas mapalawak ang access ng publiko sa proseso ng pagtalakay sa budget.
Livestreamed ang lahat ng pagdinig ng Senate Finance Committee sa panukalang budget, habang nagkaroon din ng hiwalay na pagdinig noong Oktubre 26 kung saan inilahad ng mga CSO ang kanilang mga rekomendasyon at hinaing.
Isinama rin sa budget transparency portal ng Senado ang mga digital monitoring tool na binuo ng mga civil society group, kabilang ang independent research organization na BetterGov.ph.
Sa pamamagitan ng portal, maaaring suriin ng publiko ang mga dokumento ng budget ng mga ahensya, magsumite ng position paper at tukuyin ang mga kuwestiyonableng alokasyon gamit ang mga monitoring tool.
“Transparency is not just a policy statement; it is an active mechanism. These tools were built by watchdogs themselves, and we are glad to give them a home on the Senate website so ordinary citizens can scrutinize where public funds are going,” ani Ejercito.
Kaugnay nito, naghain ang senador ng dalawang panukalang batas: Senate Bill No. 2576 o Bantay Budget Act, na naglalayong gawing bahagi ng proseso ng pag-apruba sa national budget ang pakikilahok ng mga CSO; at Senate Bill No. 2577 o Grassroots Participatory Budgeting Act, na naglalayong isama ang pagpaplano mula sa mga komunidad sa pagtatakda ng mga prayoridad sa paggasta ng lokal at pambansang pamahalaan.
Muli ring tiniyak ni Ejercito na mananatiling bukas at livestreamed ang bicam proceedings, tatanggihan ang mga budget item na walang sapat na pagsusuri, at poprotektahan ang mga alokasyon para sa healthcare, imprastraktura at pagtugon sa kalamidad.
“A national budget should be a direct reflection of the people’s priorities, their basic needs. From the first hearing to the final bicam, we want every single peso in the 2027 budget to be accountably and transparently allocated,” dagdag niya.
Kasalukuyang tinatapos ng Senate Finance Committee ang committee report nito bago pormal na iharap sa plenaryo sa susunod na buwan ang panukalang 2027 General Appropriations Bill (GAB). RNT/MDS