LUCENA CITY, Philippines – Maayos at maluwag pa rin ang bagong Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Lucena ngayong Undas 2026, na may mas malaking espasyo at kumpletong pasilidad para sa mga pasahero.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), nakapagtala ang pantalan ng 6,674 pasahero noong Oktubre 29, 2026, mas mababa ng 19 porsiyento kumpara sa 8,251 pasahero sa kaparehong petsa noong 2025.
Iniuugnay ng PPA ang pagbaba ng bilang sa mas maikling holiday period ngayong Undas at mataas na singil sa pamasahe ng mga shipping line.
Samantala, libre ang Passenger Terminal Fee (PTF) sa bagong PTB hanggang Disyembre 31, 2026, kaya walang karagdagang bayad ang mga pasahero sa paggamit ng terminal.
Tiniyak ng PPA na handa ang mga pasilidad at serbisyo sa Port of Lucena upang matiyak ang maayos at komportableng biyahe ng publiko sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden