MANILA, Philippines — Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na hindi inaasahan ang malakihang pagtaas sa presyo ng bigas kahit na itataas ang taripa sa imported rice mula 15% hanggang 20% sa Enero 16.
“Wala naman kaming ine-expect na mataasan na pagtaas kasi naging maganda naman yung production reported din ng PSA,” ani DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, na binanggit na tumaas ang imbentaryo ng bigas kahit ipinatupad ang apat na buwang import ban sa huling bahagi ng 2025.
Ipinakita ng datos ng Philippine Statistics Authority na tumaas ng 5.8% sa 2.7 milyong metric tons ang pambansang imbentaryo ng bigas noong Disyembre 1, 2025, na hawak ng commercial traders (45.2%), mga kabahayan (38%), at ng National Food Authority (16.9%).
Ani De Mesa, pinatunayan ng import ban na sobra ang suplay kumpara sa pangangailangan ng bansa, kaya hindi nagkaroon ng biglaang pagtaas ng presyo.
Sa inaasahang record-high palay production na 20.3 milyong metric tons ngayong 2026, inaasahang mag-iimport ang Pilipinas ng mas mababa sa apat na milyong metric tons.
Simula ng ipatupad ang import freeze, tumaas ang presyo ng palay sa humigit-kumulang PHP17 kada kilo para sa wet palay at PHP23 kada kilo para sa dry palay.
Pagkatapos ng import ban noong Disyembre 31, 2025, papayagan ng gobyerno ang unang 500,000 metric tons ng rice imports, kung saan 50,000 metric tons ay ilalaan sa Food Terminals Inc. Santi Celario