MANILA, Philippines — Isang bebot, kilala lamang bilang Geraldine, ang namatay matapos mahulog mula sa ika-29 na palapag ng San Antonio Residences sa Brgy. San Antonio, Makati City noong Miyerkules bandang 5:40 ng hapon.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isang saksi sa swimming pool ng gusali, na tinatayang may lalim na apat na talampakan, ang nakakita kay Geraldine na nahuhulog mula sa itaas ng gusali.
Bumagsak siya hanggang ika-7 palapag bago tumama sa swimming pool area, at agad tinulungan ng isa pang saksi at tumawag ng saklolo sa mga tauhan ng condominium.
Nagbigay ng paunang lunas ang mga responder habang hinihintay ang ambulansya.
Agad na naisugod si Geraldine sa Makati Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Sino.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, nakita sa CCTV ang dalawang sinasabing tenant ng unit sa ika-29 palapag na nagmamadaling lumabas limang minuto matapos dumating si Geraldine, at hindi na bumalik hanggang madaling araw ng Huwebes.
Binanggit din ng source na may protective grille ang bintana, kaya nakapagtataka kung paano umano “aksidenteng nahulog” si Geraldine.
Ayon sa saksi, ang huling nasambit ng biktima ay ang katagang “MAMA,” batay sa report ng pulisya. Dave Baluyot