MANILA, Philippines – Nanatili pa rin sa paanan ng Ayala Bridge ang andas ng Traslacion ng Poong Jesus Nazareno.
Sa kahabaan pa lamang ng Ayala Boulevard, hirap nang umusad ang andas dahil sa daluyong o alon ng mga deboto na nais umakyat para makapunas sa salamin ng imahe.
Bukod dito, may mga deboto rin na nakaharang paakyat ng tulay kaya nahihirapan ang pag-usad, lalong bumabagal, at ilang beses na umatras-abante ang andas.
Maging ang inilagay na barrier na container van sa paanan ng Ayala Bridge, na nagsilbing tungtungan ng mga media na nagkokober, ay iniakyat na rin ng mga agresibong kabataan.
Pagbaba ng Ayala Bridge, kakaliwa na ang andas sa Carlos Palanca, dire-diretso hanggang sa dulo, saka kanan ng Quezon Boulevard patungo sa makikipot na bahagi ng Quiapo.