MANILA, Philippines – Nadakip ng mga operatiba ng iba’t ibang tanggapan ng Southern Police District (SPD) sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang isang wanted na Chinese national sa Taguig City Huwebes ng hapon, Enero 8.
Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, nakilala ang inarestong suspek na si alyas Fan, 30, installation manager, residente ng Kamala Building, Palm Residences, Brgy. Ususan, Taguig City.
Sinabi ni Arceo na ang naturang operasyon ay base sa ikinasang operasyon na pinangunahan ng District Special Operations Unit (DSOU) sa pakikipagtulungan ng District Intelligence Division (DID), Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB), at ng Taguig City Police.
Ayon kay Arceo, naisakatuparan ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa suspek, na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa kanyang tahanan dakong alas-5:50 ng Huwebes ng hapon.
Ang warrant of arrest laban sa suspek ay inisyu nitong Enero 7, 2026, ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Loralie Cruz Datahan ng Branch 69 sa kasong paglabag sa Section 5(A) na may kaugnayan sa Section 6(A) ng Republic Act 9262 sa ilalim ng Criminal Case No. 10821, at may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng P72,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng DSOU-SPD ang suspek habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng kanyang kulungan sa Taguig City Jail.
“The successful apprehension of alias Fan underscores our commitment to protecting the rights of women and children. No one is above the law, regardless of nationality. The SPD will continue to track down individuals with standing warrants to ensure that justice is served and our communities remain safe,” ani Arceo.