MANILA, Philippines – Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC) at pulisya ang karton-kartong hinihinalang iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng nasa mahigit P100 milyon sa isang compound na garahe ng mga delivery cargo van sa Barangay Sta. Isabel, Dinalupihan.
Sa bisa ng Letter of Authority na bitbit ng Customs, kasama ang mga Barangay Officials, pinasok ng mga awtoridad ang isang compound kung saan nadiskubre ang nasa 1030 na mastercases ng iba’t-ibang brand ng mga hinihinalang puslit na sigarilyo.
Nadiskubre ito sa mga closed van na nakagarahe sa compound kung saan walang inabutang mga tao sa lugar.
Kabilang sa mga brand ng mga puslit na sigarilyo na nadiskubre at sinamsam ng customs na nagkakahalaga ng P105,575,000 ang Modern, RGD, Nise Baisha, HP, Power, Carnival, Playboy at President.
Nakakalap ng Intelligence Report ang Customs hinggil sa mga kontrabando kaya ikinasa ang operasyon.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nagmamay-ari ng mga kontrabando para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso. ROEL TARAYAO