CAGAYAN, Philippines – Dalawa ang nadakma habang 1 ang nakatakas sa pagsalakay ng mga kapulisan sa isang bahay na pinaniwalaang ginagamit na drug den sa Centro 8, Claveria, Cagayan.
Parang teleserye ang operasyon kung saan ay isa sa mga nahuli ay nasabat malapit sa highway matapos makuha mula sa drug house ang biniling shabu sakay ng motorsiklo at ang isa pang suspek ay naaresto sa mismong lugar ng operasyon habang ang target na indibidwal ay mabilis na nakatakas.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang mahigit 20 gramo ng hinihinalang shabu, kasama ang iba’t-ibang drug paraphernalia gaya ng weighing machine, lighter, rolled foil, at iba pa. Ang mga ebidensya ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng kapulisan.
Pansamantala nasa kostudiya ng pulisya ang dalawang nahuli habang inihahanda ang isasampa sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)