MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Navy (PN) na handa itong tumulong sa mga maritime law enforcement agencies sa pagbabantay, pagharang, at pag-aresto ng mga barko o sasakyang-dagat na ilegal na nag-ooperate sa karagatan ng bansa, kapag hiniling o inatasan.
Ayon kay PN spokesperson Capt. Marissa Martinez, bukod sa regular na naval patrols, sinusuportahan din ng Navy ang maritime security at maritime domain awareness sa buong teritoryong pandagat ng Pilipinas.
“In addition to maritime operations, the PN performs a constabulary role by supporting ‘Maritime Law Enforcement’ (MARLEN) operations. These activities are conducted in a supporting capacity, as the Philippine Coast Guard (PCG) and other maritime law enforcement agencies are the lead agencies for MARLEN,” pahayag ni Martinez.
Ang pahayag ay ginawa matapos hikayatin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Coast Guard (PCG) na siyasatin at inspeksyunin ang lahat ng dredger na ginagamit sa Manila Bay reclamation projects dahil sa mga isyu sa identidad, pagmamay-ari, at pagsunod sa batas.
Ipinaliwanag ni Martinez na ang PCG at iba pang ahensya ang pangunahing nagpapatupad ng mga batas kaugnay ng customs, immigration, fiscal, at sanitary matters alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
“The PN can monitor maritime activities and support MARLEN operations when directed or requested by the appropriate authorities, particularly when naval capabilities are required for offshore reach, security, or interdiction,” diin niya.
Binigyang-diin din niya na handa ang PN na suportahan ang MARLEN operations alinsunod sa batas at umiiral na inter-agency protocols.
Bilang halimbawa, sinabi ni Martinez na noong Disyembre 2025, tumulong ang PN sa MARLEN operations sa Western Mindanao na nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang P40 milyong halaga ng smuggled cigarettes.
Dagdag pa niya, nananatiling committed ang PN sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa, pagbabantay sa karagatan, at pagsuporta sa mga lehitimong awtoridad upang mapanatili ang kaayusan sa dagat. RNT/MND