Istanbul, Turkey – Sugatan ngunit nakaligtas ang isang babaeng hukom matapos siyang barilin ng dati niyang asawa, isang piskal, sa loob ng korte sa Istanbul noong Martes.
Tinamaan si Judge Asli Kahraman sa singit at malubhang nasugatan.
Ayon sa ulat, napigilan ang suspek na barilin pa ang hukom ng isang bilanggo na pansamantalang pinalaya at nagsisilbi ng tsaa sa korte.
Matapos bigyan ng paunang lunas, dinala ang hukom sa ospital at stable ang kalagayan. Inaresto naman si Muhammet Cagatay Kilicaslan at nakatakdang humarap sa korte kaugnay ng insidente.
Mariing kinondena ng grupong We Will Stop Femicides ang insidente, at binigyang-diin na maaaring mabaril ang kababaihan kahit sa loob ng korte.
Wala pang opisyal na datos sa Turkey ukol sa femicide, kaya ang mga grupong tagapagtanggol ng kababaihan ay nangangalap ng impormasyon mula sa media.
Noong 2025, 294 na kababaihan ang pinatay ng lalaki; higit isa sa tatlo ang pinatay ng kanilang asawa, at 57% ay gamit ang baril.
Tumaas ang bilang ng mga kahina-hinalang pagkamatay ng kababaihan mula nang umatras ang Turkey sa Istanbul Convention noong 2021, isang kasunduang internasyonal na naglalayong pigilan at usigin ang karahasan laban sa kababaihan. RNT