Home HOME BANNER STORY Sandiganbayan: Zaldy Co ‘di puwedeng humingi ng tulong ng korte ‘gang umiiwas...

Sandiganbayan: Zaldy Co ‘di puwedeng humingi ng tulong ng korte ‘gang umiiwas sa pagka-aresto

215
0

MANILA, Philippines – Idineklara ng Sandiganbayan na hindi “entitled” sa anumang judicial relief ang nagbitiw na kongresistang si Zaldy Co dahil siya ay “fugitive from justice” at patuloy na umiiwas sa pag-aresto.

Dahil dito, ibinasura ng anti-graft court ang apela ni Co na muling ikonsidera ang pagkansela ng kanyang pasaporte at ang naunang desisyon na ideklara siyang fugitive.

Ayon sa korte, “It is undisputed that accused Co remains beyond the reach of the court. He has not voluntarily surrendered or submitted to arrest.”

Dagdag pa nito, wala umanong legal na batayan si Co upang humingi ng tulong ng korte hangga’t hindi siya sumusuko.

Binanggit din ng Sandiganbayan ang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ang mga fugitive from justice ay hindi maaaring humingi ng judicial relief maliban kung sila ay kusang susuko.

Sinabi ng korte na nararapat lamang ipatupad ang doktrinang ito kay Co na patuloy umanong umiiwas sa awtoridad.

“His status renders him disentitled to seek affirmative relief, including the instant Urgent Motion for Reconsideration,” ayon sa resolusyon.

Idinagdag pa ng korte, “In fine, accused Co’s claimed denial of due process cannot be entertained.”

Sa resolusyong may petsang Enero 8, 2026, tuluyang tinanggihan ng Sandiganbayan ang mosyon ng mga abogado ni Co na Rondain & Mendiola, na nagsabing nagulat umano si Co sa desisyong kanselahin ang kanyang pasaporte noong Disyembre 10, 2025.

Ikinatwiran ng kampo ni Co na hindi siya nabigyan ng pagkakataong tumutol at sinadyang ipagpaliban ng prosekusyon ang pagbibigay sa kanya ng kopya ng mosyon.

Ngunit sinabi ng Sandiganbayan na walang sapat na batayan ang mga alegasyong ito.

Ayon sa korte, noong Nobyembre 24, 2025 pa naghain ang prosekusyon ng mosyon para kanselahin ang pasaporte ni Co at inatasan siyang magsumite ng komento sa loob ng limang araw sa kanyang huling kilalang address.

Patuloy na tinanggihan ng korte ang alegasyon ng paglabag sa due process dahil si Co ay nananatiling at large at wala sa hurisdiksyon ng korte.

Ang siyam na pahinang resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Zaldy V. Trespeses, kasama sina Associate Justices Gener M. Gito at Kevin Narce B. Vivero.

Bukod sa kasong graft, nahaharap din si Co sa non-bailable malversation of public funds at iba pang graft cases sa iba’t ibang dibisyon ng Sandiganbayan.

Noong Nobyembre 21, 2025, iniutos ng korte ang pag-aresto kay Co at sa 17 iba pa kaugnay ng P289.5 milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Noong Disyembre 10, 2025, opisyal na idineklara ng Sandiganbayan si Co bilang fugitive from justice at ipinakansela ang kanyang pasaporte. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here