MANILA, Philippines – Arestado ang siyam na pulis nitong Miyerkules dahil sa pagdukot at pagpatay sa mga sabungero, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region (CIDG NCR).
Ang mga opisyal ng pulisya ay nasa restrictive custody sa CIDG NCR sa Camp Crame, Quezon City, sabi ni Col. John Guiagui.
“We are hoping there will be more of them. We expect some to come to us,” dagdag niya.
Hindi inihayag ni Guiagui ang pangalan ng mga inaresto, ngunit ang pinakamataas na ranggo sa kanila ay police lieutenant colonels.
Ang mga warrant of arrest ay may petsang Enero 13 at inisyu ng Santa Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26.
Noong Hunyo, isiniwalat ng whistleblower na si Dondon Patidongan ang pagkakasangkot ng mga pulis sa mga naulat na kidnapping-killings.
Noong Disyembre naman, inindict ng Department of Justice si gaming tycoon Charlie “Atong” Ang at 21 iba pa, kabilang ang 15 pulis, kaugnay ng nawawalang sabungeros.
Ipinahayag ni Guiagui na ang ibang pulis na sangkot ay umalis na o natanggal sa serbisyo at hindi na nasa restrictive custody.
Samantala, ang siyam na inaresto ay patuloy na nasa kustodiya ng CIDG NCR at sumasailalim sa documentation.
Tungkol kay Ang, sinabi ni Guiagui na nakapuwesto na ang mga pulis sa kanyang mga ari-arian.
“As far as Palawan, he has properties,” sabi niya.
“If he surrenders, then well and good. But, if not, every man and woman in the PNP, together with our resources, will look for him to serve this warrant of arrest,” dagdag niya.
Itinanggi ni Ang ang kanyang pagkakasangkot at iginiit na tinakot siya ni Patidongan na magbayad ng P300 milyon para hindi siya maikabit sa kaso. RNT/MND