Home NATIONWIDE Kahit kulang sa komisyonado: Malakanyang, walang nakikitang hadlang sa ICI sa paggawa...

Kahit kulang sa komisyonado: Malakanyang, walang nakikitang hadlang sa ICI sa paggawa ng referral

204
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na maaari pa ring gampanan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang trabaho nito kahit chairperson na lamang at wala na ang dalawang komisyonado nito.

Tinanong kasi si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ukol sa naging pahayag ni ICI special adviser Rodolfo Azurin Jr. na hindi na magagawa ng komisyon ang gumawa ng anumang referrals kaugnay sa flood control anomalies dahil sa kakulangan ng mga komisyonado.

”Even if the ICI only [has] one member, and that’s the Chairman… Chairman [Andres] Reyes, he could still recommend the filing of the case,” ayon kay Castro.

”So kung sila man ay sinasabi ninyo na mas maganda kung mas marami, mas maganda po talaga. ‘Yan naman po ay kinikilala natin na kung mas maraming tao, mas maraming maaaring mga opisyal na mag-iimbestiga o mag-aaral ng mga kaso, mas maganda po,” dagdag na wika nito.

Naniniwala naman si Castro na mayroon pang kapangyarihan ang ICI at awtoridad na magrekumenda ng mga kaso kahit pa kulang ang mga komisyonado, sabay sabing kapag may sapat na piraso ng ebidensya, maaari pa ring magrekumenda si chairman Andres Reyes Jr. ng paghahain ng kaso laban sa ilang indibiduwal.

”Sa ngayon po sa aking pagkakatingin ay hindi naman po puwedeng hindi sila… or wala silang kakayanan na magrekomenda ng kaso na maaaring maimbestigahan. Kahit sino nga po ay pwedeng magbigay ng anumang rekomendasyon sa Ombudsman,” ang sinabi ni Castro.

”So kung kanila’y recommendatory function, to recommend the filing of the case to the Ombudsman, kahit po nagiisa ang isang Justice Reyes, kung ito naman po ay may sapat na ebidensya, hindi naman ito makakahadlang para sila po ay magrekomenda ng pagsasampa ng kaso,” aniya pa rin.

At nang tanungin kung wala ng dahilan para palitan sina dating Commissioners Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo, sinabi ni Castro na sa ngayon ay hindi pa niya ito masasabi.

”Nasa Pangulo po kasi yan, hindi po natin masasabi kung may replacement na but as of now, hindi po hadlang na isa lang po at si Chairman Reyes lang po ang nasa ICI,” ang tinuran ni Castro.

”Hindi po siya hadlang para makapagsampa o makapagrekomenda rather ng kaso sa Ombudsman o sa DOJ,” aniya pa rin.

Nagbitiw si Singson dahil sa ‘health at security reasons’ noong December 2025. Para naman kay Fajardo, sinabi nito na nakompleto na niya ang kanyang trabaho.

Sa kabila ng pagbibitiw sa tungkulin ng dalawang komisyonado, sinabi ni Azurin na ipagpapatulyo ng komisyon ang trabaho nito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here