MANILA, Philippines – Binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi niya kailanman sinabi na ang isang pugante ay hindi dapat tulungan ng opisyal na kumakatawan sa Pilipinas.
Itinanggi ni Castro ang naging pahayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque.
Sa press briefing sa Malakanyang, nilinaw ni Castro na hindi niya sinabihan si Ambassador Luli Arroyo-Bernas na huwag tulungan si Roque.
Ani Castro, ang nais lamang niyang sabihin ay “it would not look good to harbor a fugitive, samakatwid, sinabi niya na dapat magbigay ng kalinawan si Bernas ukol sa 2023 photo niya kadsama si Roque upang mapigilan ang anumang akusasyon.
“Iyan naman po kasi ang problema, mahirap po kasing magkaroon ng twisting of facts,” ayon kay Castro.
Ani Castro, kung pinakinggan at pinanood ni Roque nang buo ang kanyang content, maiintindihan nito ang konteksto ng kanyang pahayag.
Aniya, nang kumalat na ang larawan, naisip niyang makabubuti na personal niyang kausapin at tanungin si Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro para linawin ang larawan, na sa kalaunan ay naberipika na kuha pa ito noong 2023.
“Mismo sinabi natin na wala pong bagong larawan at huwag nating pahiran ng anumang akusasyon si Ambassador Luli Arroyo-Bernas pero ang sinabi po natin na bilang representative ng Pilipinas, hindi po magiging maganda kung magkakanlong ng fugitive,” ayon kay Castro.
Iginiit pa ni Castro na ginamit niya ang salitang “pagkakanlong” o “harboring” ng isang pugante.
“Sana naman po ay naintindihan niya kung ano ang ibig sabihin ng pagkakanlong –ang pagkakanlong po ay pagtatago sa isang fugitive. Hindi po natin sinasabi na dapat na huwag tulungan ang isang fugitive. Mas maganda po talagang tutulungan ang isang fugitive na makabalik sa Pilipinas,” litaniya nito.
Pag sinabi po natin na pagkakanlong, iyon po ay pagtatago, pagkukubli sa isang fugitive mula sa kamay ng batas dito sa Pilipinas. So, mas maganda po kay Harry Roque intindihin muna po ang buong video, panuorin niya at para po hindi naman po siya nagiging source palagi ng fake news,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ni Roque na ang mga naging pahayag ni Castro ay “reflects a gross ignorance of the law, diplomatic practice, and the fundamental rights of Filipino citizens abroad.”
“I categorically affirm that no Philippine diplomat is legally or ethically permitted to refuse assistance to a Filipino citizen based solely on unproven allegations. I call on Undersecretary Castro and all public officials to exercise careful consideration, accuracy, and respect for the rule of law when speaking about the rights of Filipinos abroad,” ayon kay Roque. (KRIS JOSE)