MANILA, Philippines – Ibinabala ng Department of Energy (DOE) na maaaring makaranas ng kakulangan ng suplay ng kuryente ang Visayas at Mindanao sa summer dahil sa mga nakaraang kalamidad tulad ng La Niña at mga bagyo, ayon kay DOE Secretary Sharon Garin nitong Miyerkules.
“For Luzon, there should be enough power supply. It’s more in the Visayas area… Mindanao will be affected because they export power to Visayas,” ani Garin.
Dagdag pa niya, may mga programa tulad ng dagdag na reserba, rooftop solar, at energy conservation upang maiwasan ang blackout sa Visayas.
Ayon sa DOE, sanhi rin ng problema ang pagkaantala ng ilang proyekto, partikular sa ilalim ng Green Energy Auction Program, kaya kailangang habulin ang demand. Inaasahang ilalabas ang datos sa inaasahang supply at demand sa pagtatapos ng buwan.
Sinabi rin ni Garin na nakikipag-ugnayan ang DOE sa Energy Regulatory Commission (ERC) upang tiyakin na ang nakaplano na outages ay hindi lalala sa sitwasyon sa Visayas, at nire-recalculate ang energy outlook upang mas mahusay na matugunan ang hamon sa suplay ngayong tag-init. Dave Baluyot