PINANGUNAHAN ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation
Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), sa pangunguna ni MICP CIIS Chief Alvin Enciso ang pagkakasamsam ng tinatayang P900
milyong halaga ng mga mamahaling sasakyan mula sa Auto Vault Speed Shop sa Taguig City noong Pebrero 19, 2025.
MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Customs (BOC) nitong Miyerkules na mahigit P61 bilyon ang halaga ng mga ipinagbabawal na kalakal na nasamsam noong 2025.
Sa kabuuan, 1,024 enforcement operations ang naisagawa noong nakaraang taon na nagresulta sa pagkumpiska ng mga bawal na produkto, kabilang ang P28.47 bilyon sa general commodities, P17.72 bilyon sa counterfeit goods, PHP5.63 bilyon sa ilegal na droga, PHP4.80 bilyon sa wildlife at natural resources, at P1.86 bilyon sa tobacco products.
Ang agricultural smuggling seizures ay umabot sa mahigit P622 milyon mula sa 85 operasyon.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, nakatutulong ang mga aksyong ito sa pagpapanatili ng kalusugang publiko, patas na kalakalan, at proteksyon sa kita ng gobyerno.
Binawi o sinuspinde rin ng BOC ang akreditasyon ng 40 importers at 12 customs brokers at nagsampa ng 64 kaso sa Department of Justice, kabilang ang 31 kaugnay sa agricultural smuggling.
Ipinagpatuloy din ang Fuel Marking Program, kung saan na-mark ang 21.10 bilyong litro ng gasolina noong 2025, na nagresulta sa PHP247.12 bilyon na buwis.
Bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas, nakarekober din ang BOC ng 30 sasakyan na konektado sa pamilya Discaya, na dating binanggit sa imbestigasyon sa Senado tungkol sa flood control projects.
“From dismantling smuggling networks and enforcing strict integrity policies to ensuring the proper disposition of seized goods and strengthening the Fuel Marking Program, the Bureau of Customs remains firmly committed to transparent enforcement that protects government revenue, legitimate trade, and the welfare of the Filipino people,” ani Nepomuceno. Dave Baluyot