MANILA, Philippines – Pinalagan at sinagot ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules ang insinuasyon ni Sen. Imee Marcos na siya ay bakla, at iginiit niyang walang peke sa kanyang katawan.
Ayon kay Lacson, kasunod ang pahayag ni Marcos sa kanyang pagtanggi na pinipigilan ang mga miyembro ng Senate minority bloc na magsalita sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee tungkol sa flood control projects.
“Una, hindi po piluka ang aking buhok. Idugtong ko na rin na walang peke sa mukha ko. Hindi rin pustiso ang ngipin ko. Pangalawa, lalong hindi ako bakla,” ani Lacson.
Binigyang-diin niya na iginagalang niya ang mga homosexuals ngunit, “masarap pa rin maging tunay na lalaki,” at binanggit sina Senate President Tito Sotto at dating Sen. Gringo Honasan bilang halimbawa ng tunay na lalaki.
Itinanggi ni Marcos sa kanyang Facebook post na ininsinuate niya si Lacson na bakla, at sinabi niyang mababaw ang depinisyon ng senador ng “tunay na lalaki,” at walang masama sa pagiging bakla o pagpapaganda ng sarili.
Binawi rin ni Lacson ang pahayag ni Marcos na pinipigilan ang minority na magtanong tungkol sa posibleng kinasangkutan ni dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control projects, at idinagdag na si Marcos ay may “allocables” sa 2025 national budget na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon batay sa tinaguriang “Cabral files.” RNT