Home NATIONWIDE Hontiveros sa DOH: Bagong kautusan sa medical assistance ilayo sa mga politiko

Hontiveros sa DOH: Bagong kautusan sa medical assistance ilayo sa mga politiko

147
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) na malinaw na itakda sa bagong kautusan sa medical assistance na hindi na dapat dumaan sa mga politiko ang paghingi ng tulong ng mga pasyente.

Ito ay kaugnay ng isinasagawang rebisyon ng DOH sa patakaran ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Persons (MAIFIP).

Ayon kay Hontiveros, malinaw ang paninindigan ng Kongreso na hindi na dapat kailangang maglibot ang mga pasyente sa mga tanggapan ng politiko upang humingi ng guarantee letter para lamang makapagpagamot.

Binigyang-diin ng senadora na ang bagong patakaran ay dapat magpabilis at magpadali sa pagkuha ng tulong, sa halip na maging pabigat sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal.

Ipinunto rin niya ang mga repormang nakapaloob sa 2026 national budget, kabilang ang “anti-epal” provision na nagbabawal sa pakikialam ng mga politiko sa pamamahagi ng ayuda.

Sa ilalim ng Republic Act 12314 o ang 2026 General Appropriations Act, mahigpit na ipinagbabawal ang distribusyon ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng mga politiko at itinatakda na ito ay ipamahagi lamang ng mga awtorisadong kawani ng pamahalaan o accredited partners.

Handa na ring simulan ni Hontiveros ang interpellation sa Senate Bill 1593 o ang panukalang Universal Health Care Medical Assistance Program, na magbibigay ng tulong direkta sa mga ospital at pasyente.

Sa sandaling maisabatas, tuluyan nang aalisin ang sistema ng guarantee letter mula sa mga politiko. Sa halip, sa medical social workers na lamang ng ospital dadaan ang aplikasyon ng tulong at dapat itong maibigay sa loob ng 72 oras.

Samantala, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na simula ngayong taon ay ipagbabawal na ang guarantee letters sa mga pampublikong ospital para sa mga benepisyaryo ng MAIFIP alinsunod sa 2026 GAA.

Giit ni Hontiveros, dapat manatili ang patakarang ito sa mga susunod pang taon.

“Panahon nang tapusin ang sistema ng pamamalimos ng guarantee letter. Ang tulong-medikal ay dapat direktang ibigay sa mga pasyente, walang kapalit,” ani Hontiveros. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here