Home NATIONWIDE Serbisyong pangkalusugan sa Cebu pinalakas ni PBBM

Serbisyong pangkalusugan sa Cebu pinalakas ni PBBM

205
0

MANILA, Philippines – Nagbigay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng P5 milyon na tulong pinansyal para sa pag-upgrade ng Cebu Provincial Hospital (CPH) sa Balamban municipality at pinangunahan ang pamamahagi ng mga mahahalagang kagamitang pang-medical para mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Sa pamamahagi ng tulong pinansyal at kagamitan, binigyang-diin ng Pangulo ang kanyang dedikasyon sa pagpapalawak ng access at pagtiyak na maaasahang serbisyong pangkalusugan sa mga liblib na komunidad.

Bukod sa P5 milyon mula sa Office of the President, nakatanggap din ang CPH-Balamban ng 20 wheelchair at P60,000 halaga ng gamot mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang mga sangay ng CPH sa Bogo City at Danao City, gayundin ang Daanbantayan District Hospital at Juan B. Dosado Memorial Hospital, ay tumanggap ng tig-isang x-ray machine at ultrasound machine.

Sa kanyang pagbisita, ininspeksyon din ng Pangulo ang ilang pasilidad ng ospital at sinaksihan ang pagpapatupad ng zero balance billing policy sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Tinatayang nasa 120 pasyente ang naka-admit sa CPH-Balamban sa kasagsagan ng pagbisita dito ng Pangulo.

May inilaan na P17.39 bilyon para sa zero balance billing program sa ilalim ng 2026 national budget.

Bagama’t ipinatutupad ang zero balance billing policy sa mga basic at ward accommodation services ng Department of Health (DOH) hospitals, inanunsyo ni Health Secretary Teodoro Herbosa na PhP1 bilyon ang ilalaan ngayong taon para ipatupad ang naturang polisiya sa piling secondary at tertiary hospitals na pinamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan (LGU).

Ilulunsad din ng Pangulong Marcos ang Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT) program sa Cebu upang mas mapalawak ang access ng mga Cebuano sa mga kinakailangang medisina.

Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Olivia A. Dandan, Chief of Hospital ng CPH-Balamban, na malaking tulong ang mga kagamitang natanggap para sa mga pasyente, lalo na sa mga biktima ng nakaraang mga lindol sa lalawigan.

Pinasalamatan din niya si Pangulong Marcos sa pagbisita sa kanilang ospital at binigyang diin na ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng institusyon na personal na bumisita ang Pangulo.

“Nagpapasalamat din kami sa kanya para sa oras na inilaan niya upang personal na makita at suriin ang aming ospital. Hindi lang sa salita kundi mayroon siyang ginawa,” dagdag ni Dandan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here