MANILA, Philippines – Humiling na ang mga awtoridad ng Pilipinas ng Interpol red notice para kay gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa reklamong kidnapping kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“We have also requested from the [Interpol] NCB (National Central Bureau) Manila a red notice,” sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II sa press conference nitong Huwebes, Enero 15.
Sa briefing, sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Legal Division Chief Arvin Santos na sa pinakabagong impormasyon ay napag-alaman nilang si Ang ay nasa Pilipinas pa rin.
“In case Atong Ang leaves through the back door or elsewhere, other Interpol member countries may arrest him,” paliwanag ni Morico.
Nitong Miyerkules ay naglabas ang Santa Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26 ng warrant of arrest laban kay Ang at 17 iba pa sa kidnapping na may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.
Si Ang ang nag-iisang akusado na pinaghahanap pa rin matapos na maaresto naman ang 17 co-accused nito na nasa kustodiya na ng CIDG.
Sa kabila nito ay hinamon naman ng abogado ni Ang na si Gabriel Villareal, ang court order para arestuhin si Ang at sinabing ang direktiba ay “premature” at “legally questionable.” RNT/JGC