Home NATIONWIDE Lahar warning inilabas sa gitna ng pagliligalig ng Mayon at hagupit ni...

Lahar warning inilabas sa gitna ng pagliligalig ng Mayon at hagupit ni Ada

192
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maaaring magkaroon ng lahar sa paligid ng Bulkang Mayon sa Albay habang inaasahang magdadala ng malakas hanggang matinding ulan ang Tropical Storm Ada sa ilang bahagi ng Southern Luzon.

Ayon sa PHIVOLCS, maaaring magdulot ang ulan mula kay Ada ng pag-agos ng latak ng bulkan, maputik na daloy ng tubig, at runoff sa mga ilog at daluyan ng tubig sa paligid ng bulkan.

“Heavy to intense rainfall may generate syn-eruption lahars on major channels draining the southern to eastern slopes of Mayon Volcano by incorporating loose material from new pyroclastic density current (PDC) deposits of its ongoing eruption,” pahayag ng ahensya.

Binigyang-babala ang mga sumusunod na lugar: Mi-isi, Bonga, at Basud Gullies at maaaring magpakain ng mainit na lahar sa Mi-isi at Binaan Channels na posibleng makaapekto sa Daraga; Barangays Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan, at Padang sa Legazpi City; at Barangays Lidong at Basud Rivers sa Sto. Domingo. Nagbabala rin ang PHIVOLCS na maaaring magdulot ang lahar ng pagbaha, malakas na hampas, pagbaon, at pagkaladkad ng mga komunidad sa ibaba ng mga naturang daluyan.

Ayon naman sa PAGASA, “Hot lahars could cause scalding upon contact that could lead to serious and life-threatening injuries.”

Kasabay nito, iniulat ng PHIVOLCS ang pagtaas ng aktibidad ng Mayon matapos maitala ang 308 rockfall events at 68 pyroclastic density currents o uson sa nakalipas na 24 oras, mas mataas kumpara sa naunang ulat.

Nakapagtala rin ang ahensya ng 1,318 tonelada ng sulfur dioxide emissions, katamtamang usok na inanod pahilagang-kanluran, nakikitang crater glow, at patuloy na pamamaga ng katawan ng bulkan.

Nananatili ang Bulkang Mayon sa Alert Level 3 na nagpapahiwatig ng tumitinding magmatikong unrest. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone at ang hindi kailangang aktibidad sa extended danger zone, gayundin ang paglipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 4,144 katao o 1,132 pamilya sa Albay ang apektado ng aktibidad ng Mayon, kung saan 4,095 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center.

Patuloy namang hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan at komunidad na magbantay sa lagay ng panahon at magsagawa ng mga paunang hakbang sa kaligtasan habang nananatili ang banta ni Ada. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here