MANILA, Philippines – Muling lumakas ang piso matapos itong magbukas sa P63.67 kontra dolyar nitong Biyernes, Oktubre 30, mula sa pagsasara nitong P63.85 noong Huwebes.
Noong Oktubre 29, nagbukas ang piso sa P63.88 kada dolyar. Nagtala naman ito ng record low na P64.17 noong Oktubre 27.
Noong nakaraang linggo, itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 50 basis points ang pangunahing interest rates. Gayunman, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona na hindi layunin ng bangko sentral na pigilan ang paghina ng piso dahil maaapektuhan nito ang foreign exchange reserves ng bansa.
Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na taglay ng pamahalaan ang “all the means” upang patuloy na ipagtanggol ang piso, kabilang ang pagpapanatili ng “healthy” foreign exchange reserves.
Kilala rin ang BSP sa pakikialam sa merkado sa pamamagitan ng pagbebenta ng dolyar upang mapahinahon ang biglaang pagbabago sa palitan ng pera.
Inaasahang magpapamahal sa pagbili ng langis ang mahinang piso dahil dolyar ang ginagamit sa pagbili nito. Maaari rin itong magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Tungkol naman sa pagtaas ng halaga ng mga produkto at serbisyo, sinabi ni Marcos na dulot ito ng kakulangan sa suplay at “monetary measures can only go so far.” RNT/MDS