MANILA, Philippines – Ininspeksiyon ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Biyernes ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng humigit-kumulang 1.2 milyong pasahero ngayong Undas.
“Nandito po tayo ngayon sa Naia Terminal 1 kasi nga direktiba ng Pangulo na siguraduhin natin na maging safe and comfortable at convenient ang biyahe ng mga kababayan natin,” ani Dizon.
Sinuri ng kalihim ang mga pasilidad ng paliparan, kabilang ang arrival area, immigration e-gates at surveillance systems. Pinuri rin niya ang mga inayos na pasilidad at automated immigration gates na nakatutulong umano sa pagpapabilis ng proseso ng mga pasahero.
Gayunman, nagpahayag si Dizon ng pagkabahala sa seguridad ng paliparan matapos manakaw kamakailan ang mga gamit ng isang turista na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso. Ayon sa kanya, naaresto na ang suspek at nabawi ang mga ninakaw na gamit. Inatasan din niya ang mga opisyal ng paliparan na palakasin ang surveillance upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Inirekomenda rin ni Dizon na palawakin ang paggamit ng automated immigration e-gates upang mas maraming pasahero ang makinabang at mabawasan ang pagsisikip.
Nauna nang tinaya ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) na aabot sa 1.25 milyon ang mga pasaherong dadaan sa NAIA mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, kung saan inaasahang pinakamarami ang Biyernes.
Tinatayang 149,000 pasahero ang gagamit ng paliparan nitong Biyernes. Magdadagdag ang NNIC ng security personnel, police at K-9 patrols, at magpapatupad ng 24-oras na monitoring sa operasyon ng paliparan.
Bukas din nang 24 oras ang mga public assistance desk sa arrival at departure areas ng tatlong terminal. Samantala, inilagay naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa heightened alert ang mga paliparan sa buong bansa bilang paghahanda sa pagdami ng mga biyahero. RNT/MDS







