Manila, Philippines – Aprub sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang anim na pelikula para sa linggong ito na may mga temang komedya, pakikipagsapalaran, drama, pag-ibig, horror at aksiyon.
Nangunguna ang Pinoy thriller na “A Werewolf Boy,” isang remake ng 2012 South Korean film na may kaparehong pamagat.
Ito’y rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang), para sa edad 12 at pababa at may kasamang magulang o nakatatanda.
Tungkol ito sa isang dalagita na lumipat sa probinsya kasama ang pamilya at nakatagpo ng isang misteryosong binata na naninirahan sa kanilang bakuran.
Nagbigay din ang MTRCB ng angkop na klasipikasyon sa limang internasyonal na pelikula, kabilang ang animated adventure-comedy na “The SpongeBob Movie: Search for SquarePants.”
Tungkol ito sa pakikipagsapalaran ni SpongeBob upang patunayan ang kanyang tapang habang nilalakbay ang Underworld kasama ang multong pirata na si The Flying Dutchman.
PG din ang Indian comedy na “Happy Patel: Khatarnak Jasoos,” at ang American post-apocalyptic survival disaster thriller na “Greenland 2: Migration.”
Samantala, ang “The History of Sound,” na pinagbibidahan nina Paul Mescal at Josh O’Connor, ay rated R-13 para sa mga edad 13 pataas.
Kuwento ito ng dalawang lalaki na nagkakilala noong 1917 habang nag-aaral sa New England Conservatory of Music.
Matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig, naglakbay sila sa mga liblib na lugar ng Maine, USA, upang magtala ng mga awiting-bayan noong 1920.
Para naman sa mas nakatatandang manonood, ang post-apocalyptic horror film na “28 Years Later: The Bone Temple,” ay rated R-16 para sa mga edad 16 pataas.
Nagpaalala ang MTRCB na gabayan lagi ng mga magulang ang mga anak sa mga pelikulang panonoorin.
“May ilang mga karakter na gumagawa ng mga katawa-tawang pag-arte o di kaya’y mapanganib na kilos. Bagama’t malinaw na hindi makatotohanan, mahalagang ipaalala sa mga mas batang manonood na ang mga eksenang ito ay hindi dapat tularan sa totoong buhay,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto. JP Ignacio