Home NATIONWIDE 2 Chinese nat’l arestado, biktima nasagip sa kidnapping sa Pasay

2 Chinese nat’l arestado, biktima nasagip sa kidnapping sa Pasay

224
0

MANILA, Philippines – Nalambat ng mga tauhan ng Sub-Sation 1 ng Pasay City police ang dalawang Chinese national habang nasagip naman ang isang Mexican/Chinese national sa ikinasang rescue operation Biyernes ng umaga, Enero 16.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nadakip na suspek na sina Jiaxiang Xu, 38, at Zhiyong Zu, 34, kapwa Chinese national at pansamantalang naninirahan sa Parañaque City.

Ang biktima ay nakilala naman na si Jialin Ye, 25, isang Mexican/Chinese national, computer specialist/U.S. FBI-provider information, at pansamantalang naninirahan sa Pasay City.

Base sa report na natanggap ni De Sesto, naganap ang pag-rescue kay Ye na nagresulta rin ng pagkakaaresto ng mga suspek bandang alas 10:55 ng umaga sa condo unit ng biktima sa Unit 2907 Tower B, 2201 Residences, Brgy 13, Roxas Blvd., Pasay City.

Ayon kay De Sesto, bandang alas 7:45 ng umaga nitong Biyernes ay nakakuha ng pagkakataon ang biktima na makapagpadala ng text message sa kanyang kaibigan na nakilalang si Rance Lemuel Co, 25, aircon distributor, ng 1573 Mahogany Road, Dasmariñas Village South, Makati City, na siya ay kinidnap ng mga suspek sa kabila ng siya ay nakapagbigay na sa mga ito ng USD400,000 sa pamamagitan ng cryptocurrency ngunit nagpapadagdag pa ang mga suspek ng USD1,000,000 sa cryptocurrency.

Agad namang nagtungo si Co sa Pasay City police Sub-Station kung saan kanyang ini-report kay SS-1 OIC P/Capt. Dennis Desalisa ang nabanggit na pagkidnap sa biktima kung saan sa pamumuno ni De Sesto ay nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa security office ng nabanggit na gusali upang makita at makompirma ang sa pamamagitan ng CCTV footage ang mga pangyayari.

Makaraang maging positibo ang natanggap na report base sa pagre-review ng CCTV footage ay sinabi ni De Sesto na kanilang tinungo ang unit ng biktima na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspek gayundin ang pagsagip sa biktima.

Narekober sa posesyon ng mgaa suspek ang isang posas at isang kutsilyo na ginamit sa pananakot sa biktima.

Kasong paglabag sa Article 267 (kidnapping and serious illegal detention) na inamyendahan ng R.A. 7659 ang kinahaharap ng mga suspek na kasalukuyan nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here