ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makalikha ng mas maraming trabaho at oportunidad pangkabuhayan para sa mga manggagawang Pilipino, patuloy na paiigtingin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pagsisikap nito sa sa pagpapadali ng paghahanap ng trabaho ngayong 2026.
Batay sa pinakahuling Labor Force Survey (LFS), ang employment rate ay nasa 95.6% noong Nobyembre 2025 — bahagyang mas mababa kumpara sa 96.8% na naitala sa parehong buwan noong 2024, ngunit mas mataas kumpara sa 95.0% o 48.62 milyon noong Oktubre 2025. Noong Nobyembre 2025, 49.26 milyong Pilipinong ang may trabaho.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang pagbangong ito ay bunsod ng pag-unlad ng sektor ng wholesale at retail trade, pagkukumpuni ng mga sasakyan, agrikultura, forestry, at konstruksyon.
Samantala, bumaba ang unemployment rate sa 4.4% noong Nobyembre 2025, kumpara sa 5.0% noong Oktubre ng parehong taon.
Sa isang pahayag, iniugnay ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma ang pagbaba ng bilang kada buwan ng mga walang trabaho dahil sa pagtaas ng aktibidad ng ekonomiya bago matapos ang taon 2025. Ayon sa kalihim, tuwing holiday season pinapalakas ng mga negosyo ang kanilang operasyon at mas maraming indibidwal na naghahanap at nabibigyang ng short-term na trabaho.
Binigyang-diin naman ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Patrick P. Patriwirawan, Jr., sa isang panayam na ipagpapatuloy ng DOLE ang pagsasagawa ng mga job fair sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na isa rin sa mga patuloy na direktiba ni Secretary Laguesma para sa 2026.
Inaasahan din ng Kagawaran na mas tataas pa ang employment rate para sa buwan ng Disyembre 2025 dahil sa mataas na pangangailangan para sa part-time at pansamantalang trabaho noong kapaskuhan.
Nauna nang tiniyak ni Secretary Laguesma na ang DOLE, kasama ang mga katuwang nito sa publiko at pribadong sektor, ay patuloy na pinagtutuunan ang pagtataguyod sa pag-unlad ng ekonomiya at paglikha ng de-kalidad na trabaho para sa bawat Pilipino.
“Patuloy na binabantayan ng DOLE ang mga kaganapan sa merkado ng paggawa at pinapalakas ang pangangasiwa sa serbisyong pangtrabaho sa pamamagitan ng pinalawak na Public Employment Service Office (PESO),” dagdag ni Secretary Laguesma.
Para sa karagdagang detalye tungkol sa mga nalalapit na job fair, pinapayuhan ang publiko na bisitahin ang opisyal na website at social media page ng DOLE.






