Home OPINION KAPALARAN, KAGALINGAN, KALIGTASAN

KAPALARAN, KAGALINGAN, KALIGTASAN

266
0

TAYONG mga tao ay magiging mapalad kung tayo ay kikilala, mananalig at sasamba sa Panginoong Diyos.

Marami sa ating mga tao ay nagiging malayo sa kapalaran sa panahong halos hindi tayo kumikilala, nananalig at sumasamba sa kanya. Kabi-kabila ang problema at nagiging magulo ang buhay sa kawalan ng direksyon at buhay pananampalataya sa kanya.

Sa kabilang banda, mayroon din namang mga tao na kahit hindi kumikilala, nananalig at sumasamba sa kanya ay sadyang may kapalaran pa rin, sila itong mga taong ang kapalaran ay galing sa masama at kasalanan gaya ng pagnanakaw o panloloob sa pamamahay ng mayayamang pamilya at tahanan, malalaking negosyo gaya ng banko o kaya naman ay sa kaban ng bayan kung saan ang mga pondong dapat sana ay napupunta sa batayang serbisyo ng mamamayan gaya ng edukasyon, kalusugan, trabaho, imprastraktura at iba pa ay male-maleta lamang na ninanakaw ng ilang ganid na politiko at ilang matataas na opisyal ng departamento ng gobyerno (hindi naman lahat, mayroon pa ring matino).

Samantala, kung tayong mga tao ay magpapasyang kumilala na, manalig na at sumamba na sa kanya ay tiyak ang tatamuhin natin ay kapalaran o biyaya ng pag-iingat at pagpapala sa buhay.

Tayo bilang mananampalataya niya ay kailangang magbunga ng mabuti at tama mula sa mga kapalaran o pagpapala niya sa atin. Magbunga rin ng paninindigan sa paglaban sa mali at masama.

Tayo ay kailangang magbahagi rin sa ating kapwa ng mga bunga ng kapalaran at pagpapala niya sa atin. Sapagkat ayon nga sa isang linya ng awiting pang simbahan “walang sino man ang nabubuhay para sa sarili lamang, tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa.”

Tayong mga tao ay tunay na mapalad sapagkat sa ating pagkilala, pananalig at pagsamba sa Panginoong Diyos, tayo’y kanyang pinapagaling.

Tayo bilang mga pinagaling niya mula sa dating buhay tungo sa bagong buhay ay nararapat na matutunan at tularan ang kanyang ginawang kababaang-loob na tumulong o magbahagi sa ibang mga tao.

Kung ano mang sumosobra o umaapaw na kapalaran o pagpapala niya sa atin ay nararapat naman nating ibahagi sa ibang higit ding nangangailangan.

Kasabay ang pagbabahagi rin sa ibang mga tao ng kanyang mabuting balita ng kaligtasan upang matulungan din natin silang mapagaling ang aspeto ng kanilang buhay espirituwal at magkaroon din sila ng pananampalataya sa kanya.

Idagdag na rin ang kapalaran ng karunungan at paninindigan mula sa kanya na huwag manatiling bulag, pipi at bingi sa mga kaganapan sa ating lipunan. Matutong manindigan at kumilos para sa tama at ikabubuti ng bayan.

Samantala, ang kapalaran at kagalingang ating natatanggap sa kasalukuyan ay hindi matatapos dito sapagkat sa pagwawakas ng ating buhay dito sa mundo ay doon sa kabilang-buhay tayo at may matatanggap muling kapalaran, kagalingan at kaligtasan sa buhay na walang hanggang sa piling ng Panginoong Diyos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here