Home NATIONWIDE Mga deboto lumahok sa prusisyon para sa pista ng Señor Sto. Niño...

Mga deboto lumahok sa prusisyon para sa pista ng Señor Sto. Niño de Pagadian

213
0

MANILA, Philippines — Nagliwanag ang Yllana Bay sa Pagadian City, Zamboanga del Sur sa daan-daang mga bangka na lumahok sa tradisyunal na fluvial procession bilang bahagi ng pagdiriwang ng pista ng Señor Sto. Niño de Pagadian.

Pinangunahan ng isang barko ng Philippine Coast Guard na nagsilbing “galleon” ang prusisyon, lulan ang imahe ng Señor Sto. Niño, at sinundan ng mga sasakyang-dagat ng Philippine Navy, Maritime Group ng pulisya, lokal na pamahalaan, at mga pribadong bangkang pinalamutian ng makukulay na banderitas.

Bahagi ang fluvial procession ng Pasalamat Festival 2026 ng lungsod, na dinaluhan ng libo-libong deboto na pumuno sa baywalk at mga karatig-pampang.

Makikitang nagdarasal, umaawit, at kumakaway ang mga mananampalataya habang dumaraan ang prusisyon sa karagatan.

Bago ang fluvial procession, isinagawa ang banal na misa sa baywalk na pinangunahan ng lokal na kaparian at dinaluhan ng mahigit 20,000 katao, ayon sa pagtaya ng pulisya.

Madaling-araw pa lamang ay isinagawa na rin ang prusisyong-lakad mula sa katedral patungo sa baywalk bitbit ang imahe ng Sto. Niño.

Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni Bishop Ronald Anthony Timoner na ang debosyon sa Sto. Niño ay hindi lamang ritwal kundi isang patunay ng pananampalataya at pag-asa.

“Ang taos-pusong debosyon sa Señor Sto. Niño ay patuloy na nagbibigay-liwanag sa ating pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal,” ani Timoner.

“Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas upang magpatuloy sa kabila ng mga hamon ng buhay.”

Ayon sa pulisya, walang naitalang anumang insidente sa buong takbo ng mga aktibidad.

“Nagdeploy kami ng sapat na puwersa mula sa pulisya, militar, at force multipliers, pati na rin ng mga CCTV sa kahabaan ng baywalk upang masiguro ang kaligtasan ng lahat,” pahayag ni Lt. Col. Jerwin Cagurin, hepe ng Pagadian City Police.

Matapos ang fluvial procession, muling isinagawa ang prusisyong-lakad pabalik sa katedral, kasabay ng panalangin at pasasalamat ng mga deboto.

Para sa mga Pagadianon, ang taunang fluvial procession ay hindi lamang tradisyon kundi isang matibay na ugnayan ng pananampalataya na patuloy na nagbubuklod sa komunidad sa paglipas ng mga henerasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here