Manila, Philippines — Lumutang ang ilang alegasyon hinggil sa posibleng iregularidad na umano’y kinasasangkutan ng isang mataas na opisyal ng militar na nakatalaga sa Mindanao at isang indibidwal na tinutukoy sa alyas na H, batay sa impormasyong ibinahagi ng mga source na humiling ng hindi pagkakakilanlan.
Batay sa mga salaysay ng naturang mga source, may mga sinasabing transaksyon na kinasasangkutan ng halagang humigit-kumulang ₱20 milyon at isang brand-new Toyota Land Cruiser LC300, na umano’y may kaugnayan sa operasyon at paggamit ng ilang pantalan sa Municipality of Siasi at Municipality of Parang, partikular sa Barangay Lagasan, Sulu.
Ayon sa impormasyong ibinahagi, ang mga pantalan umano ay ginamit para sa pagpasok at paglabas ng mga kargamento, kabilang umano ang yosi at bigas.
Ayon pa sa isang impormante, may kondisyon umanong inilatag na ang komunikasyon sa nasabing indibidwal ay dadaan lamang sa isang partikular na opisyal at hindi na umano dapat sangkot ang iba pang ahensya ng gobyerno.
Gayunman, binigyang-diin na ang mga impormasyong ito ay nananatiling hindi pa nabeberipika at wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga kinauukulang awtoridad.
Dahil sa posibleng implikasyon ng mga alegasyong ito sa usapin ng pamamahala at seguridad, may panawagan mula sa ilang sektor na magsagawa ng masusing at patas na imbestigasyon ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang malinawan ang isyu. RNT