MANILA, Philippines — Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Bacolod ang relokasyon ng mga pamilyang naninirahan sa mga itinuturing na danger zones, partikular sa mga lugar na malapit sa mga sapa at ilog, bilang bahagi ng flood mitigation program at pagsisikap na matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Ayon kay Department of Social Services and Development (DSSD) head Richelle Verdeprado-Mangga, 37 pamilyang nakatira sa tabi ng Mambuloc Creek sa Purok Balinday, Barangay 2 ang nakatanggap ng tig-₱10,000 na tulong-pinansyal matapos boluntaryong gibain ang kanilang mga bahay noong Huwebes.
Dagdag ni Mangga, susuriin pa ng mga social worker ang kalagayan ng mga pamilyang nailipat upang matukoy ang iba pang posibleng tulong na maaaring ibigay ng DSSD.
Aniya, kabilang din ang mga pamilyang ito sa mga nakatanggap noon ng Emergency Cash Transfer mula sa Department of Social Welfare and Development matapos maapektuhan ng Bagyong Tino ang lungsod.
Sa kabuuang bilang, 20 pamilya ang na-prequalify bilang benepisyaryo ng mga pabahay sa Progreso Village Relocation Site II sa Barangay Vista Alegre, habang ang natitirang 17 pamilya ay inaasahang gagamit ng natanggap na tulong-pinansyal upang humanap ng pansamantalang matitirhan.
Una nang sinabi ni Mayor Greg Gasataya na matagal nang alalahanin ng lokal na pamahalaan ang mga informal settlers sa tabi ng daluyan ng tubig dahil sa panganib na dulot nito tuwing may kalamidad at sa pagbara ng mga drainage system.
“Mas pinili namin ang maayos at makataong paglipat kaysa sa mahigpit na pagpapatupad,” ani Gasataya, sabay paalala na ipinagpaliban muna ang demolisyon upang bigyang-daan ang mga pamilya na makapagdiwang ng Pasko bago ang relokasyon nitong Enero.
Nangako naman si Barangay 2 Chairperson Emelda Banguanga na babantayan ang bakanteng lugar habang nagpapatuloy ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways.
Batay sa ulat ng City Engineer’s Office, umaabot sa 42,500 kilo ng basura ang natanggal sa Mambuloc Creek mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025.
Noong Disyembre, personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, ang Mambuloc Creek sa paglulunsad ng Oplan Kontra Baha.
Saklaw ng programa ang paglilinis at pagbabaklas ng mga sagabal sa siyam na pangunahing daluyan ng tubig at drainage system sa Bacolod, na may kabuuang halos 170 kilometro ng mga ilog, sapa at estero, at 138 kilometro ng mga drainage system na target tapusin hanggang Hunyo 2026. RNT/JGC