Home NATIONWIDE Atong Ang posibleng nakalabas na ng bansa – whistleblower

Atong Ang posibleng nakalabas na ng bansa – whistleblower

232
0

MANILA, Philippines — Posibleng nakalabas na ng bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon sa pahayag ng whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si Julie “Dondon” Patidongan.

Sa panayam sa dzBB nitong Sabado, Enero 17, sinabi ni Patidongan na naniniwala siyang wala na sa Pilipinas si Ang matapos maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna kaugnay ng pagpatay sa ilang sabungero.

“Posibleng nasa ibang bansa na siya,” ani Patidongan, na dagdag pa niyang sa kanyang palagay ay matagal nang umalis si Ang, posibleng mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon.

Nilinaw ng whistleblower na wala siyang direktang impormasyon o kumpirmasyon hinggil dito at hindi rin ito nanggaling mismo kay Ang.

“Walang nagsabi sa akin niyan, pero para sa akin, iyon ang malamang niyang gawin,” aniya.

Tinanong kung may kakayahan umano si Ang na magtago sa loob ng bansa, iginiit ni Patidongan na marami itong maaaring pagtaguan ngunit naniniwala siyang hindi na ito hihingi ng tulong sa mga kasalukuyan o retiradong opisyal ng gobyerno.

“Para sa akin, kaya niyang asikasuhin ang sarili niya. Kung nandito pa siya sa bansa, maaaring nagtatago siya sa isa sa mga property niya sa mga eksklusibong subdivision,” dagdag niya.

Nahaharap si Ang sa 15 counts ng kidnapping at serious illegal detention at apat na bilang ng kidnapping with homicide kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.

Kamakailan, kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Group na humiling na sila ng Interpol red notice laban kay Ang upang matunton at pansamantalang maaresto ito habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso.

Noong Disyembre 2025, kabilang si Ang sa 22 indibidwal na kinasuhan ng Department of Justice batay sa mga salaysay nina Patidongan at ng kapatid nitong si Ellakim, na kapwa nagsilbing malapit na security detail ng negosyante.

Samantala, inanunsyo ng National Police Commission nitong Biyernes na sinibak na sa serbisyo ang 11 pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero, isang impormasyong unang ibinunyag ni Patidongan at naging batayan ng administratibong reklamo noong Hulyo ng nakaraang taon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here