Home METRO Caloocan LGU may libreng HIV testing at counseling services

Caloocan LGU may libreng HIV testing at counseling services

245
0

MANILA, Philippines – Magkakaloob ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng libreng human immunodeficiency virus (HIV) testing at counseling services para sa mga nasasakupan nito na higit na magpapalakas sa kasalukuyang programang pangkalusugan bilang bahagi ng pagsisikap para sa mas accessible medical services.

Ang HIV programs ay maaaring i-avail araw-araw sa dalawang Social Hygiene Clinic ng lungsod sa Caloocan City Hall – South at Brixton Health Center, gayundin sa lahat ng lokal na public health centers.

Kinilala ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na habang ang HIV ay isang public health concern, ang maagang detection at preventive medicine nito ay malaki ang maitutulong upang mapigilan ang acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), kung saan pumapasok ang mga testing at awareness program para sa mga lokal na komunidad.

“Noon, hindi biro ang magkaroon ng HIV dahil sa kakulangan ng impormasyon at medisina na makakapigil sa paglala nito, ngunit ngayon, hindi na taning sa buhay ang pagkakaroon ng HIV dahil na rin sa mga epektibong gamot na nagbibigay sa mga HIV-positive persons ng oportunidad para sa normal na buhay,” ani Mayor Along.

“Kaya po napakahalaga na mailapit natin sa mga mamamayan ang mga kaalaman tungkol sa HIV at AIDS upang sa una pa lamang, maagapan na ito at hindi na lumala pa,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng alkalde na walang puwang para sa diskriminasyon laban sa HIV-positive sa lungsod at pinaninindigan na mananatiling kumpidensyal ang lahat ng impormasyon ng mga pasyenteng naka-avail ng libreng serbisyo.
(Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here