MANILA, Philippines – Iginiit ng Malacañang nitong Lunes na kabilang si Rep. Jett Nisay, na nag-endorso sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga inakusahan sa flood control scandal.
Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na wala silang personal na kaalaman sa intensyon sa pag-file ng impeachment complaint.
Ngunit binanggit niya na ang party-list na nag-endorso nito ay kinilala ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) bilang isa sa walong “cong-tractors.”
“Wala po tayong personal na kaalaman kung ano ang kanilang intensyon patungkol po sa pagfafile ng impeachment complaint. Ang atin lamang pong nalaman sa ngayon ay ang party-list na nagendorse ay isa sa walo na contractors na nabanggit ng ICI,” ayon kay Castro.
Kabilang si Pusong Pinoy Party-list Representative Nisay sa mga mambabatas na pinangalanan ng ICI para sa posibleng plunder at bribery kaugnay ng bilyon-bilyong pisong halaga ng mga proyektong imprastruktura mula 2016 hanggang 2024.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, hiniling ng ICI sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng karagdagang imbestigasyon laban kay Nisay at iba pang kongresista para sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Government Procurement Reform Act, at Article VI, Section 14 ng Konstitusyon.
“These so-called cong-tractors are those members of Congress or their partners or family members who own construction firms that receive project awards or obtain contracts from the DPWH,” ani ICI chairman Andres Reyes Jr.
Umaksyon si Pangulong Marcos at nag-utos ng imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects, kabilang ang posibleng koneksyon sa mga mambabatas.
Ang impeachment complaint laban kay Marcos, na isinampa ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Nisay, ay tumutukoy sa graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust bilang mga batayan.
Ayon sa mga patakaran sa Kamara, ang isang verified impeachment complaint ay maaaring isumite ng kahit na sinong miyembro o mamamayan at dapat i-endorso ng isang House member. Ito ay isasama sa Order of Business sa loob ng 10 session days at irerefer sa tamang komite sa loob ng tatlong session days.
Pagkatapos ng mga pagdinig, may 60 session days ang komite upang magsumite ng ulat, at ang resolusyon ay ilalagay sa kalendaryo sa loob ng 10 session days. RNT